Ang mga hula na patotoo ng Biblia tungkol sa pagiging sugo
ni Kapatid na Felix Y. Manalo
At ng kahalalan ng Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914
Sa panahon natin ngayon na laganap ang napakaraming relihiyon at napakaraming mangangaral na nagpapakilalang sila ang tunay at may karapatan sa pangangaral, ang ating Panginoong Diyos ay hindi nagkulang ng pagbibigay sa atin ng gabay kung papaano makikilala ang tunay na mangangaral at ang tunay na relihiyon at ito’y sinalita ng Diyos at ipinasulat niya sa Biblia o mga Banal na Kasulatan.
Ating napag-aralan sa nakaraan na kinakailangan na taglay nila ang dalawang katangian na sinabi ng Diyos sa aklat ni Propeta Isaias:
Isaias 8:20 “Sa KAUTUSAN at sa PATOTOO! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.”
Kung wala sa isang nagpapakilalang sugo ng Diyos ang mga katangiang ito, ating mapapatunayan na ang taong iyon ay hindi tunay na sugo at ang kaniyang ipinangangaral ay hindi tunay na mga aral ng Diyos – samakatuwid siya ay nagtataguyod ng huwad na relihiyon o hindi tunay na Iglesia.
Ating balikan ang kahulugan ng mga katibayang ito:
1. KAUTUSAN - Ang itinuturo niya ay hango sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia, athindi galing sa kaniyang sarili lamang, at hindi niya ginagamitan ng pansariling pagpapaliwanag, at ng kaniyang sariling karunungan. Hindi siya nag-iimbento ng aral dahil lahat ng kaniyang itinuturo ay mababasa sa Biblia.
2. PATOTOO - Dapat may hula o propesiya na tumutukoy sa kaniyang kahalalan o “authority” ng kaniyang pagkasugo sapagkat siyang nagpapatunay ng kaniyang karapatan sa pangangaral-sa madaling salita, kinakailangang ang isang nagpapakilalang sugo ay hinuhulaan o may hula sa Biblia ng kaniyang pagiging sugo.
Ang Iglesia ni Cristo na lumitaw noong 1914 sa Pilipinas ay may kinikilalang sugo, ang Kapatid na Felix Y. Manalo na kinikilala naming “Sugo ng Diyos sa mga Huling Araw”. Taglay ba niya ang mga palatandaang binigay ng Diyos sa aklat ni Isaias bilang katibayan na siya ay Tunay na Sugo ng Diyos? Atin tunghayan sa pagpapatuloy ng ating pagtalakay…
Ang KAUTUSAN na kaniyang taglay
Ang ating Panginoong Jesu-Cristo ay nagbigay pa ng karagdagang katangian tungkol sa palatandaang ito – ang KAUTUSAN, na ang ibig sabihin ang itinuturo ng isang tunay na sugo ay hindi nanggagaling sa kaniyang sarili lamang kundi, lahat ay mababasa at nakasulat sa kautusan o salita ng Diyos na nasa Biblia; Inaangkin ba ng isang tunay na sugo na ang aral na kaniyang itinuturo ay sa kaniya? Ganito ang sabi ni Jesus, ang pinakadakilang sugo ng Diyos:
Juan 7:16 “Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.”
Binigyan diin ni Cristo na ang kaniyang aral na itinuturo ay hindi sa kaniya, kundi galing doon sa nagsugo sa kaniya. Sino ba ang nagsugo sa kaniya?
Juan 14:24 “Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.”
Sabi ni Jesus, ang mga salitang kaniyang sinasabi ay hindi sa kaniya kundi galing sa Ama na nagsugo sa kaniya. Samakatuwid ang tunay na sugo ng Diyos ay hindi lamang nagtuturo ng dalisay o purong mga salita ng Diyos na mula sa Biblia, kundi kailanman ay hindi niya aangkinin na ang aral na kaniyang itinuturo ay sa kaniya – ang kaniyang laging binibigyan ng kapurihan ay ang Diyos na sa kaniya ay nagsugo at hindi ang kaniyang sarili.
Taglay ba ng Kapatid na Felix Manalo ang katangiang ito? Nung panahong siya’y nabubuhay pa, ang mga nakasaksi sa kaniyang pangangaral, kapatid man o hindi ay nagpapatunay na lahat ng kaniyang sinasabi ay sa Biblia niya kinukuha. Bawat tanong ng mga tao sa kaniya, ang kaniyang ipinansasagot ay Biblia. At maski hanggang ngayon, taglay ng mga ministro sa Iglesia ang ganitong katangian. Walang aral ang Iglesia na hindi matatagpuan sa Biblia. At kailan man ay hindi nakasalig o nakabatay ang paniniwala ng sinomang kapatid sa Iglesia ni Cristo kay Kapatid na Felix, kundi sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia: Ganito ang madalas sabihin ni Ka Felix noon:
“Huwag kayong maniwala kay Manalo kailanman, ang mga salitang aking itinuturo sa inyo ay hindi sa akin, kundi binabasa ko lamang ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia”…Pagkatapos ay itataas niya ang Biblia at sasabihing… “Dito lamang kayo maniniwala mga kapatid, ito lamang ang inyong sampalatayanan.”
Kaya naman hindi nasalig sa kanino mang tao ang paniniwala ng sinomang Iglesia ni Cristo, kundi sa Biblia lamang – na tanging batayan ng tunay na pananampalataya.
Maliwanag na taglay ni Ka Felix Manalo ang unang palatandaan ang KAUTUSAN, sapagkat wala siyang aral na galing sa kaniyang sarili lamang, ang lahat ng aral na itinuro niya at itinataguyod ng Iglesia ni Cristo ay pawang nakasulat at lahat ay mababasa sa Biblia…at iyan ay inyong masasaksihan kung kayo ay magsusuri sa mga katotohanang aming sinasampalatayanan.
Ang mga Hula na nagpapatunay sa kaniyang pagiging Sugo
Ang dakong pagmumulan ng Huling Sugo
Ang mga halimbawa ng mga tunay na sugo na ating tinalakay sa nakaraan: Si Juan Bautista, siApostol Pablo, at ang Panginoong Jesus ay may mga hula o propesiya sa Biblia maraming taon pa bago ang paglitaw nila sa daigdig. Ito ang ikalawang palatandaan ng pagiging tunay - angPATOTOO sa kanila ng Diyos na sila ay mga Tunay na sugo.
Si Kapatid na Felix Manalo na aming pinaniniwalaang sugo, may hula ba sa kaniyang kahalalan at karapatan bilang tunay na sugo ng Diyos bago pa ang paglitaw niya sa daigdig? Totoo bang siya ang huling sugo ng Diyos? Mayroon ba sa bibliang ipinakikilalang huling sugo? Ating tunghayan ito:
Isaias 41:4-5 “Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,Nakita ng mga pulo, at nangatakot; ang mga wakas ng lupa ay nagsipanginig: sila'y nagsilapit, at nagsiparito.”
May binabanggit dito ang Diyos na huli dahil ang sabi niya’y “kasama ng huli”, na ang ibig sabihin ay sasamahan ng Diyos ang huling sugo niyang ito. May sinabi din siyang “Nakita ng mga pulo”, na ang ibig sabihin na ang dakong pagmumulan ng sugong ito ay binubuo ng mga pulo at doon lilitaw at makikita ang huling sugong ito ng Diyos.
Saan matatagpuan ang mga pulong ito na siyang makakakita sa paglitaw ng huling sugo? Sa aklat pa rin ni Isaias:
Isaias 24:15 “Kaya't luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga'y ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa mga pulo ng dagat.”
Ang mga pulo na makakasaksi sa paglitaw ng huling sugo ng Diyos ay nasa silanganan, anong silanganan ang tinutukoy? Saang panig ng daigdig ito matatagpuan? Ating sasagutin iyan maya-maya lang…
Narito pa ang isang hula tungkol sa huling sugong ito?
Isaias 46:11 “Na tumatawag ng ibong mangdaragit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.”
May binabanggit ang Diyos sa hulang ito na “ibong mandaragit” na magmumula sa silanganan, kaniyang nilinaw na hindi ito literal na ibon dahil sinabi niya na ito ay “tao na gumagawa ng payo mula sa malayong lupain”. Samakatuwid ito ay isang tao na ang Gawain ay inihalintulad lamang sa isang ibong mangdaragit. Binanggit ang kaniyang pagmumulan “silanganan” at “malayong lupain”.
Ano ang ibig sabihin nung payo na kaniyang ipagagawa sa sugong ito?
Awit 107:11 “Sapagka't sila'y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios, at hinamak ang payo ng Kataastaasan:”
Ang payo, sabi ng Biblia ay ang mga salita ng Diyos. Samakatuwid ang tungkulin ng taong ito na magmumula sa malayong lupain na nasa silanganan ay PANGANGARAL NG SALITA NG DIOS – Isang sugong mangangaral na inihalintulad sa Ibong Mandaragit.
Ano iyong malayong lupain na nasa silanganan na pagmumulan ng sugong ito? Ating basahin sa English Bible ang nasabing hula:
Isaiah 46:11 “Calling a ravenous bird from the east, the man that executeth my counsel from a far country: yea, I have spoken it, I will also bring it to pass; I have purposed it, I will also do it.” [King James Version]
Ang sabi ng Biblia “far country” o malayong bansa na nasa “east” o silanganan. Samakatuwid ang sugong ito na hinuhulaan ay manggagaling sa isang malayong bansa – malayo sa bansang Israel, kaya malinaw na hindi sa Israel manggagling – isang malayong bansa sa silanganan na binubuo ng mga pulo. Maliwanag na ang tinutukoy ay ang PILIPINAS.
Ang tawag sa PILIPINAS: “Perlas ng Silanganan” sapagkat ang Pilipinas ay nasa silanganan o “FAR EAST”.
Ang pinanggalingan ng PANGALAN ng PILIPINAS: “Las Islas de Felipe” sa tagalog ay “Mga Pulo ni Felipe” (Mula kay King Philip II ang Hari ng Spain nung panahon na tayo ay sakupin noong 16th Century). At totoo namang binubo ang Pilipinas ng napakaraming pulo na mahigit7,000 na mga isla o pulo na siyang pinakamarami sa buong Asia kaya nga ang tawag sa bansa natin ay PHILIPPINE ISLANDS na sa tagalog ay KAPULUAN NG PILIPINAS.
Kumuha pa tayo ng dagdag na patotoo o katibayan:
Mapapansin sa original na wika sa Isaias 46:11 na atin nang ipinakita sa itaas ating mapapansin sa bandang itaas sa gawing kanan ang salitang “mimizrach” (iyong “may bilog” – pansinin din ang pronounciation na nasa gawing kaliwa sa ibaba ng Hebrew word) na mayroot word na “mizrach” na tumutukoy sa salitang “silanganan” na siyang panggagalingan ng “Ibong Mandaragit”.
Ano ba ang ibig sabihin ng Hebrew word na mizrach?
“.., mizrach, is used of the far east with a less definite signification. [Smith’s Bible Dictionary]
Ayon sa isang kilalang Bible Dictionary ang salitang mizrach ay ginamit upang tumukoy sa “far east” o malayong silangan.
Kaya tiyak na tiyak na talagang ang Pilipinas ang tinutukoy na panggagalingan ng sugong hinuhulaan…at ito’y may patotoo pa mula sa isang Pari ng Iglesia Katolika. Na nagpapatunay na ang Pilipinas ay nasa FAR EAST o Malayong Silangan:
"It cannot be without significance that the country which stands almost at the geographical center of the Far East, the Philippines, should also be that in which Christianity has taken the deepest root." (Asia and the Philippines, written by a Jesuit Priest Horacio dela Costa, page.169)
Sa Filipino:
“Hindi maaaring mawalan ng kabuluhan na ang bansa na matatagpuan sa halos panggitnang pang-heograpiya ng Malayong Silangan, ang Pilipinas, na siyang kinatatagang mabuti ng Cristianismo.”
Kaya atin ngayong natitiyak na talagang may sugo ang Diyos na lilitaw sa Pilipinas – at ito’y ang Kapatid na Felix Manalo.
Bakit Pilipinas ang pinili ng Diyos na pagsuguan? Bakit lahing Filipino?
Maraming tumututol na Pilipinas ang kinatuparan ng dakong panggagalingan ng sugong hinuhulaan, may mga nagsasabi na:
“Bakit naman Pilipinas ang pipiliin ng Diyos, andami namang bansa diyan na mas maganda sa Pilipinas, nandiyan ang America, Canada, United Kingdom, at iba pa. Hindi naman siguro pipiliin ng Diyos na pagsuguan ang isang bansa at lahing mahirap lang o yung mga nasa Third World.”
Ang mga taong nagsasabi ng ganito ay nagkukulang ng kaalaman sa katotohanan ng paraan ng pagpili ng Diyos ng kaniyang mga hinirang. Hindi nila batid na hindi ang ganda, ang lakas, at ang pagiging mataas na uri ng isang bansa o lahi ang batayan ng Diyos sa tao na kaniyang isusugo. Narito ang katibayan:
1 Corinto 1:26-28 “Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag: Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:”
Napakaliwanag ng sinabi ng Biblia. Walang magagawa ang sinoman na tumanggi sa dahilang ito ng Diyos sa criteria ng kaniyang pagpili sa taong hihirangin niya. Totoo na ang Pilipinas ay isang mahirap na bansa. Ang lahing Filipino ay isa sa itinuturing na mahinang lahi sa mundo. Ang Kapatid na Felix Y. Manalo ay isang ordinaryo at isang mahirap na tao lamang, at walang mataas na pinag-aralan. Subalit pinili ng Diyos upang gawing sugo, dahil ang pamantayan ng Diyos sa pagpili: “pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas”
Bakit inihalintulad sa Ibong Mangdaragit ang Huling Sugo?
May mga nagsasabi na ang hinuhulaan sa Isaias 46:11 na inihalintulad sa Ibong Mangdaragitay isang masamang tao dahil ang ibong mangdaragit daw ay isang masamang ibon, na dinadagit at sinisila ang kaniyang mga biktima at pinapatay, tulad ng ginagawa ng isang Lawin sa isang sisiw na manok na matapos dagitin ang kaawa-awang sisiw ito’y pinapatay.
Komo ba’t inihalintulad sa isang masamang halimbawa ang ibig sabihin ay masama na rin ang pinatutungkulan noon? Ang Panginoong Jesus ay inihalintulad sa magnanakaw gaya ng mababasa sa aklat ni Apostol Pedro:
2 Pedro 3:10 “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.”
Hindi ba’t ang magnanakaw ay masama? Di lalabas niyan dahil sa masama inihalintulad ang Panginoong Jesus, kung ating susundan ang pagkaunawa ng iba, lalabas masama si Cristo gaya ng magnanakaw.
Hindi naman ang pagiging magnanakaw na nagnanakaw ng hindi kaniya ang kahambing ni Cristo, kundi ang pagdating ng isang magnanakaw na walang nakakaalam, dahil talaga namang walang nakakaalam ng eksaktong oras at araw ng pagbabalik ni Cristo kundi ang Ama lamang:
Mateo 24:36 “Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.”
Kaya inihalintulad man sa Ibong Mangdaragit ang sugo sa Huling araw ay hindi ang pagpatay nito ang nakakatulad kundi ang kaniyang pagdagit? Nilinaw naman sa ipinaliwanag natin kanina na ang magiging tungkulin o trabaho ng taong ito ay “gumagawa ng payo” na ang ibig sabihin ay Tagapangaral ng Salita ng Diyos. Ano ba ang ibig sabihin nung pagdagit?
Judas 1:23 “At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.”
Ang pagdagit ay ang pag-agaw sa apoy, na ang apoy na tinutukoy ay ang apoy ng impierno(Mateo 18:9). Samakatuwid dadagitin o aagawin ng sugong ito ang mga tao upang sila’y maligtas at hindi upang mapahamak.
Saan magmumula ang mga taong dadagitin o aagawin ng sugong ito na inihalintulad sa Ibong Mangdaragit? Narito pa ang isang hula na tumutukoy sa sugo:
Isaias 43:5 “Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kanluran; Aking sasabihin sa HILAGAAN, Bayaan mo, at sa TIMUGAN, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;”
Ang mga taong dadagitin ay ang mga anak ng Diyos na babae at lalake na magmumula sa malayo at mula sa wakas ng lupa. At tatangkain ng Hilagaan at Timugan na pigilin ang gawain ng sugo, ngunit wala silang magagawa dahil sabi nga ng Diyos: “Aking sasabihin sa HILAGAAN, Bayaan mo, at sa TIMUGAN, Huwag mong pigilin”.
Sa ano tumutukoy ang HILAGAAN at TIMUGAN na binabanggit na magtatangkang pumigil sa mga anak na lalake at babae ng Diyos sa hula? Ating tunghayan ang Sagot:
"... In the north the Protestants were in control--Lutheran churches in Sweden, Norway, Denmark, Iceland, the northern and central states of Germany; Calvinist or Reformed churches in Scotland, the Netherlands, Hesse, the Palatinate, and a few of the western German states. In the south the Catholics were in control - Spain, Italy, Austria, Bavaria, and elsewhere in southern Germany." (The Reformation by Owen Chadwick p. 366)
Sa Filipino:
“…Sa Hilagaan ang mga Protestante ang namamayani – Iglesia Luterana sa Sweden, Norway, Denmark, Iceland, sa hilagaan at gitnang estado ng Alemaniya; Kalbinismo o ang Reformadong Iglesia sa Scotland, ang Netherlands, Hesse, ang Palatine, at mangilan-ngilan sa mga estadong kanluranin ng Alemaniya. Sa Timugan ang mga Katoliko ang namamayani – Espanya, Italiya, Austria, Bavaria at saanman sa timugang Alemaniya.”
Maliwanag ang pahayag ng aklat na ito: Ang HILAGAAN ay tumutukoy sa PROTESTANTISMO, at ang TIMUGAN ay sa KATOLISISMO naman.
Ang dalawang malalaking relihiyong ito ang sinabihan ng Diyos ng mga katagang “Bayaan mo” at “Huwag mong pigilin”…samakatuwid ay walang magagawa ang mga relihiyong ito kapag inagaw na ng sugo ang mga anak na babae at lalake ng Diyos mula sa kanila.
Kaya nga nung panahon na nagsisimula ang Iglesia sa Pilipinas ang dalawang malalaking relihiyong ito ang nakabangga ni Kapatid na Felix Manalo, ngunit hindi nila napigil ang paglaganap at pagdami ng kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang mga kaanib ay galing saHILAGAAN-Protestante at TIMUGAN- Katoliko. Nagtagumpay ang Ibong Mangdaragit sa pagdagit o pag-agaw sa kanila at sila’y naging kaanib ng tunay na Iglesia – Ang Iglesia ni Cristo.
Subalit may mga nagsasabi na sila man ay may sugo na lumitaw sa Pilipinas, at ang kanilang relihiyon ay sa bansang Pilipinas na nasa Malayong Silangan din nagsimula? Maaari bang maangkin ng sinuman ang Hula na natupad kay Kapatid na Felix Y. Manalo? Ang mga hula bang ating nabanggit ay maaaring matupad o kumapit sa ibang tao?
Hindi, sapagkat hindi lamang ang lugar o dako na pagmumulan ang hinulaan kundi hinulaan din ang Panahon o ang Petsa ng Paglitaw ng Sugong ito na magmumula sa Malayong Silangan o Pilipinas…at iyan ang ating tatalakayin sa susunod…. Itutuloy…
No comments:
Post a Comment