1. Sino ba ang nagbawal, at kailan ipinagbawal ang pagkain ng dugo?
SAGOT: Ang nagbawal po ng pagkain ng Dugo ay ang Panginoong Diyos, at ito’y mula pa sa panahon ni Noe, matapos ang paggunaw sa mundo sa pamamagitan ng baha:
Genesis 9:1-4 “At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyangdugo, ay huwag ninyong kakanin.’’
Binasbasan ng Diyos si Noe at ang kaniyang sambahayan, at sinabi sa kanila na lahat ng mga ibon sa himpapawid, mga hayop sa lupa, maging ang mga isda sa dagat, kasama pa ang mga sariwang pananim ay ibinigay ng Diyos sa tao upang maging pagkain niya, ang tangi lang na hindi maaaring kainin ng tao ay ang dugo. Hindi ibinigay ng Diyos sa tao ang dugo upang maging pagkain niya, niliwanag niya na ito ay BUHAY at hindi PAGKAIN. At totoo naman pong ang dugo ay buhay hindi po ba? Subukan po nating alisan ng dugo ang isang tao o hayop man, hindi po ba siya ay mamamatay?
Napakaliwanag po na lahat ng tao sa daigdig ang pinagbabawalan na kumain nito…
2. Ano ang dahilan kung bakit ipinagbawal ng Diyos ang pagkain ng dugo?
SAGOT: Ang dugo ay siyang buhay ng laman, at Ang dugo ay ibinigay ng Diyos upang tumubos sa ating mga kaluluwa sa Diyos, at ito ay pantubos ng buhay.
Levitico 17:10-11 “At sinomang tao sa sangbahayan ni Israel o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, na kumain ng anomang dugo, ay aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan. Sapagka't ang buhay ng laman ay nasadugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.”
Kaya nga isang napakalaking kasalanan sa Diyos na ang tao ay kumain ng dugo ang sabi niya:“aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan”. Maliwanag na magiging kaaway ng Diyos ang tao, at ihihiwalay siya o ititiwalag siya sa kaniyang bayan, sa bayan ng Diyos. Kaya nga po natitiwalag sa Iglesia ang sinomang kumain ng dugo.
Niliwanag din ng Diyos na ang dugo ay “pantubos ng buhay”, hindi nga ba’t ang isang taong naubusan ng dugo dahil sa panganganak o aksidente, ay naililigtas sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo sa kaniya? At higit sa lahat ito’y pantubos sa kaluluwa, na ang ibig pong sabihin ay maaari po tayong matubos ng dugo sa ating mga pagkakasala sa Diyos, at iyon nga po ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo:
Hebreo 9:13-14 “Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman: Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?”
Kaya po marapat na ating igalang at pahalagahan ang dugo sa pamamagitan ng hindi pagkain nito. Sundin po natin ang pagbabawal na ito ng Diyos. Napakalinaw po at banal ang kaniyang dahilan kung bakit hindi niya ito ipinakakain sa atin.
3. Bawal ba sa Biblia na kumain ng dinuguan?
SAGOT: Opo, hindi man po tuwirang sinabi ng Biblia ang salitang “dinuguan”, subalit niliwanag ng Biblia na hindi dapat kainin ang dugo na may kasamang laman, na ito po ay mga sangkap ng pagkaing dinuguan:
Deuteronomio 12:22-23 “Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon. Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.”
Namimilosopo po kasi ang iba at sinasabing hindi naman daw mababasa sa Biblia na Bawal kumain ng dinuguan, eh bakit naman po natin hahanapin sa Biblia na nasulat mula pa noong unang siglo [First Century] ang salitang “Dinuguan”? Sila kaya ang tanungin natin kung mayroon nang salitang “dinuguan” nung panahon ni Moises?
Maliwanag na sinabi ng Diyos na:“sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman”. Sa madaling salita, huwag tayong kumain ng laman at dugo na magkasama. Hindi po ba sangkap ng dinuguan ay dugo at laman? Kaya maliwanag na bawal ang dinuguan, o alinmang pagkaing sinangkapan o nilagyan ng dugo.
4. Paano maiiwasan na makain ang dugo? Ano ang dapat gawin?
SAGOT: Nagbigay ng pamamaraan ang Diyos na dapat na gawin: Kinakailangang patuluin sa lupa ang dugo at tabunan ng lupa:
Levitico 17:13 “At sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila na manghuli ng hayop o ng ibon na makakain; ay ibubuhos niya ang dugo niyaon at tatabunan ng lupa.”
Dapat pong patuluin ang dugo ng hayop sa lupa, at tabunan ng lupa, hindi kagaya ng ginagawa ng iba na pinapatulo sa mangkok o kaya ay platito at tinatabunan ng bigas.
5. Paano kung tag-gutom at walang makain ang mga tao, baka naman papayag na ang Diyos na kainin ang dugo?
SAGOT: Kahit na magkaroon pa ng matinding tag-gutom ay hindi pa rin ipahihintulot ng Diyos na ito ay kainin ng tao:
1 Samuel 14:32-33 “At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo. Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.”
Kinain noon ng bayang Israel pati ang dugo nung panahon na sila’y dumaluhong sa samsam o nakaranas ng matinding tag-gutom. At ang sabi nga ni Haring Saul, ang hari noon ng Israel:“Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo.” Maliwanag na kahit pa kapusin sa pagkain ang isang bayan, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat at kailan man magtangka na ito ay kainin. Eh paano nasolusyunan ni Haring Saul ang suliraning ito? Narito ang kaniyang ginawa:
1 Samuel 14:34 “At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.”
Ipinadala ni Haring Saul sa kaniyang harapan ang lahat ng hayop na papatayin upang kaniyang matiyak na hindi na magkakasala ang bayan laban sa Panginoong Diyos dahil sa kanilang pagkain ng dugo na mahigpit niyang ipinagbabawal.
6. Hindi ba ang pagbabawal ng pagkain ng Dugo ay sa panahon lamang ng Lumang Tipan? Baka naman pupuwede nang kainin ito sa panahong Cristiano o panahon ng Bagong Tipan?
SAGOT: Hindi pa din po pupuwedeng kainin ng tao ang dugo sa panahon ng Bagong Tipan opanahong Cristiano na siyang sumasaklaw sa ating kasalukuyang panahon, ganito ang pahayag ng mga Apostol:
Mga Gawa 15:28-29 “Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo.”
Maliwanag na ipinahayag ng mga Apostol na minagaling ng Espiritu Santo ang kautusang ito, samakatuwid ito ay kautusang mula sa Espiritu Santo, mahigpit na pinagbawalan noon ang mga Gentil na nais umanib sa Iglesia na huwag kumain ng mga pagkaing inihain sa mga Diosdiosan [Mga pagkaing inihahanda sa Fiesta – na inihahanda para sa kaarawan ng mga larawan at mga rebulto], ng dugo, at hayop na binigti [Yung mga hayop na namatay sa pagkalunod, o mga namatay na hindi lumabas ang dugo – gaya ng “botcha”], at huwag makikiapid. Kaya maging sa panahon natin ngayon ay ipinagbabawal pa din ang pagkain ng dugo.
7. Hindi naman diretsahang sinabi ng mga Apostol na huwag kumain ng dugo ang sabi lang ay “magsiilag” o umiwas sa dugo, hindi ba?
SAGOT: Sa pagsasabi ng mga Apostol na tayo ay magsiilag, hindi ba malinaw na hindi nila iyon ipinapakain sa atin? Magagawa mo bang kainin ang pinaiilagan o pinalalayuan sa iyo? Ngunit para mabigyang natin ng linaw at mapatunayan na talagang maging ang mga Apostol ay nagbawal ng pagkain ng dugo, narito ang katibayan, sa isang Bibliang Ingles sa ganoon ding talata:
Acts 15:28-29 “The Holy Spirit and we have agreed not to put any other burden on you besides these necessary rules: Eat no food that has been offered to idols; eat no blood; eat no animal that has been strangled; and keep yourselves from sexual immorality. You will do well if you take care not to do these things. With our best wishes." [Good News Bible]
Sa Filipino:
Mga Gawa 15:28-29 “Ang Espiritu Santo at kami ay nagkasundo na huwag na kayong atangan ng mabibigat na pasanin maliban sa mga tuntuning ito na talagang kailangan: Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga diosdiosan; huwag kayong kakain ng dugo; huwag kayong kakain ng hayop na namatay sa pagkabigti; at umiwas kayo sa mga imoralidad na seksual. Mapapabuti kayo kung iiwasan ninyong gawin ang mga bagay na ito. Lubos ang aming pagbati.”
Kaya po napakalinaw na maging sa panahon natin ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng dugo, kaya po tayo ay umiwas na sa napakasamang gawaing ito na hindi pinahihintulutan ng Diyos.
8. Paano kung sadyain pa ng tao na kumain ng dugo pagkatapos na malaman niya na bawal ang kumain niyan, mapapatawad pa ba siya ng Diyos?
SAGOT: Ang kasalanan pong sinasadya ay isang uri ng kasalanan na walang kapatawaran:
Hebreo 10:26-27 “Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.”
Hindi na po tayo mapapatawad ng Diyos kung tayo’y magpapatuloy pa sa pagkain ng dugo kung sa kabila ng katotohanang nalaman natin na ito ay kaniyang mahigpit na ipinagbabawal, ang ganitong pagkakasala ay tinatawag na: “kasalanang sinasadya”, ang gumagawa ng pananadya ay ituturing na niyang kaaway, at ang tangi na lamang nating hinihintay ay ang kabangisan ng apoy na siyang parusang kaniyang ibibigay sa Araw ng Paghuhukom sa mga taong lumabag sa kaniyang mga utos. Kaya huwag na po tayong kakain ng dugo magmula ngayon na inyong nabasa ang katotohanang ito.
Dagdagan pa natin ang paliwanag, hindi ba sinabi ng mga Apostol na: “Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin” na ang ibig sabihin ay: ang kautusang ito ay kautusan ng Espiritu Santo, gaano po ba kabigat kapag ating nilabag ang utos ng Espiritu Santo?
Mateo 12:31 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.”
Wala pong kapatawaran sa harap ng Diyos ang paglabag sa utos ng Espiritu Santo, kaya po kahit na ano ang mangyari, mula ngayon ay huwag na huwag na po tayong kakain ng dugo matapos na ating malaman ang katotohanang bawal pala ito ng Diyos. Dahil kaya pong patawarin ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan, maliban po sa pagkain ng dugo.
Nagagawa po nating sumunod sa tao, hindi po ba? Kapag po sinabi sa atin ng isang Doktor na huwag tayong kumain ng bawal sa atin dahil makakasama sa ating kalusugan ay agad nating sinusunod sa takot nating mapasama ang ating katawan. Lalong dapat nating sundin ang pagbabawal na ito ng Diyos, dahil ang paglabag dito ay magdudulot sa atin ng lalong higit na kapahamakan, at ito’y ang kaparusahang walang hanggan sa apoy, pagdating ng Araw ng Paghuhukom…
No comments:
Post a Comment