ANG PAGMAMAHAL NG ISANG INA


Malaki ang pagkamuhi ko sa aking kinalakihang lugar. Liblib kasi at malayo sa kabihasnan, tanging kuliglig lamang ang aking naririnig pag gabi. Nasa gitna kami ng kagubatan. Kasama kong naninirahan dito ang aking ina, sa katotohanan lamang katulad ng aking pagkamuhi sa lugar na ito, namumuhi din ako sa aking ina. Dahil sa itsura nyang parang halimaw, sunog ang kalahati ng mukha at talaga naman nakakatakot. Ang bawat batang kanyang masalubong ay sumisigaw ng  mayroong halimaw. Yan din ang malaking dahilan kung bakit ayaw ko sa lugar na ito.

Sabi ng aking ina, ako na lang daw ang kanyang kamag-anak na natitira. Hindi na daw nya kilala kung sino pa ang mga kamag-anak . Si murang isip ko noon, siguro iniwan na talaga kami ng mga kamag-anak ni ina dahil sa itsura nya. Ayaw masabi na may kamag-anak silang halimaw kaya ganon.  Dito umusbong ang aking unti unting pagkamuhi sa kanya. Sya ang nagdadala ng malas sa akin.

Pangongolekta ng basura ang hanapbuhay ng aking ina bukod pa sa pagtatanim ng iba't ibang gulay. S'yang mag isa ang nagtatrabaho para sa amin. Ganon pa man, sinikap nyang ako ay mapag-aral. Noong una, inihahatid pa nya ko sa gate ng eskwelahan bago dumeretso sa tambakan ng basura. Wala pa sa isip ko noon ang pagkamuhi sa kanya. Hindi ko alintana kung may makakita sa akin na kasama ko sya. Pero habang tumatagal, iba't iba ang aking naririnig na kwento ng aking mga kaklase sa akin. Kesyo anak daw ako ng halimaw, may lahi daw kaming halimaw. Dahil don, umpisa noon hindi na ko nagpahatid sa kanya sa eskwela. Sinabihan ko din ang aking ina na wag na wag pupunta sa aming paaralan.

Umuulan noon, hindi ko akalaing makikita ko sa labas ng paaralan ang aking ina na may dalang payong. Iiwas sana ko sa kanya subalit ako'y kanyang tinawag at dinig na dinig ng aking mga kaklase ang kanyang boses. Nagtakbuhan sila ng makalapit sya sa akin. "Anak ng halimaw, anak ng halimaw" ang boses ng ibang bata na na hindi umaalis sa aking tenga. Dali dali akong nagtatakbo pauwi, hindi ko pinansin si ina. Hinayaan ko ng mabasa ako ng ulan kesa makasabay sya pag-uwi.

"Inay, bakit ba ganyan ang itsura nyo? bakit ba kayo mukhang halimaw? bakit hindi na lang kayo mamatay." Aking nasabi sa kanya, dala na din ng pagkapahiya sa aking mga kaklse kaya lumabas ito sa akin.

Pinili ni ina na manahimik. Noong gabing iyon, lumabas ako ng kwarto upang kumuha ng tubig. Sa sulok ng mesa nakaupo sya't tahimik na  umiiyak. Nakikita ko pa ang mga luhang dumadaloy sa kanyang sunog na mukha. Alam kong nasaktan ko sya sa aking mga sinabi, may kirot sa aking puso ang makita syang ganon.  Noon din, ipinangako ko sa sarili kong hindi ako magiging tulad nya.

Nag-aral akong mabuti, nagkamit ng karangalan sa pagtatapos sa mataas na paaralan. Umalis ako sa aming bahay ng walang paalam at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Malaki ang naging epekto sa akin ng aking ina, iyon ang aking naging kasangkapan upang pagbutihin ang trabaho sa umaga at pag-aaral sa gabi . Mahabang panahon ang lumpias hangang sa dumating ang panahong ako ay nagtagumpay at naging isang Arkitekto. Nakabili ako ng magarang bahay sa isang subdivision, nakabili ng magarang sasakyan at nagkaasawa  at nagkaron ng isang anak. 

Hindi ko inaasahan ang pagkakataon, kakagaling lang namin magsimba ng aking pamilya.. Naglalaro ang aking anak sa hindi kalayuan sa amin habang kausap ko ang ibang kakilala nang narinig kong sumigaw ang aking anak at tatakbong lumapit sa akin. May halimaw daw na lumapit sa kanya. Agad kong nilapitan ang sinasabi ng aking anak, nabigla ako sa aking paglapit. Ang halimaw na sinasabi ay ang babaeng matagal ko ng hindi nakikita.

"Bakit ka nandito? Wag na wag kang lalapit sa anak ko, Hindi mo ba alam na tinatakot mo sya?, umalis ka dito, don ka nababagay sa gitna ng gubat?"

"Pasensya na amang, nagbabakasali lang po kasi ako na makita ko dito ang nawawala kong anak, umalis po ako sa gubat para lang sya ay aking makita."

"Ano, sa tingin mo ba ay magpapakita pa ang anak mo sa itsura mong yan?"

"Pasensya na po"

Ang usapan namin ng babaeng iyon. Laking pasasalamat ko at ako ay hindi nya nakilala. Ibinaon ko na sa limot ang lahat ng aking pinagdaanan. Ayaw ko ng iyon ay balikan pa.

Isang taon din ang lumipas matapos ang insidenteng iyon. Nakatanggap ako ng proyekto na malapit sa paaralan na dati kong pinasukan noon. Tila nanadya ang pagkakataon, ayaw ko sanang tanggapin pero gusto ko din makita ang aking mga naging kaklase at ipamukha sa kanila kung sino ang kinukutya nila noon.

Malapit ng matapos ang proyekto ng isang aksidente ang nangyari, hindi sinasadyang matrasan ang isang mixer truck ang patas ng hallowblocks na malapit sa akin. nagbagsakan ang hollowblocks sa akin at  hindi ko na namalayan ang mga pangyayari.

Nagising ako na maliwanag ang kapaligiran, bumungad sa akin ang mukha ng aking asawa.

"Anong nangyari sa akin hon?"

"Hon, mabuti at nagising ka na, salamat sa Diyos. Tatlong araw ka ng walang malay. Nagkaron ng aksidente sa site, nabagsakan ka ng hollowblocks na malapit sayong kinatatayuan."

"Natatandaan ko na ang lahat, salamat sa Diyos at ako'y ligtas."

"May nagligtas sayo Hon, utang natin sa kanya ang iyong buhay. Bago pa man bumagsak sayo ng mga bagay na yun, isang matandang babae ang mabilis na tumakbo papalapit sayo at yumakap. Sa kanya lahat tumama ang mga hollowblocks bago pa sayo. Nakakaawa ang matandang babae, kahit na ganon pa ang kanyang itsura, may dakila syang puso para iyon ay gawin"

"Nasaan ang matandang nagligtas sa akin"

"Namatay din sya noong araw na yun Hon. Pagdating ko dito, ipinagtanong ko kung saan sya nakatira. Pero ang sabi sa akin, ayaw daw ng kaibigan nyang ipaalam pa sa lahat lalo na sayo ang pangyayari."

"Anong pangalan ng babaeng yun Hon?" Kinakabahan kong tanong sa aking asawa.

"HIndi ko alam pero Halimaw ang bansag sa kanya ng marami"

Bigla ang pamamanhid ng aking katawan sa aking narinig. Bigla ang lakas ng tibok ng aking puso na para akong aatakehin. HIndi ko alam ang aking sasabihin, sari saring damdamin ang aking nararamdaman. HIndi ako makapaniwala sa aking narinig. Lumuha ang aking mata ng hindi ko namamalayan.


Noong araw ding iyon, Ipasya kong puntahan ang aming tahanan noon. Tinahak kong muli ang landas pabalik sa aking nakaraan hanggang sa marating ko ang munting kubo na iyon. May kurot sa puso kong tinitigan ang kabuuan ng bahay. Ito ang aking naging tahanan, dito sa bahay na ito nabuo ang aking mga pangarap. Ito ang aking tinakasan. Isang matandang babae ang lumabas mula sa loob ng bahay, pero hindi ko sya kilala.

"Magandang hapon po amang, tila po yata kayo ay naliligaw"? ang tanong sakin ng matandang babae

"Ah eh manang, kayo po ba ang nakatira sa bahay na ito, ayon po sa aking narinig eh may isang..."

"Halimaw ba ang narinig mo sa kwentuhan sa bayan? Hindi na ko magtataka, pero kung sya nga po ang inyong tinutukoy, wala na po ang aking kaibigan, pumanaw na po sya may talong araw na ang nakakaraan. Kung hindi po ako nagkakamali, ikaw ang lalaking kanyang iniligtas, ikaw ang lalaking matagal na nyang hinihintay."

Tahimik lang ako tumungo tanda ng aking pagsang-ayon. Niyaya ako ng matandang babae sa likod bahay kung saan naroroon ang kanyang libingan. Isang puntod na may maliit na krus ang aking nakita. Nag-alay ako ng isang maikling panalangin sa kanya. Habang nakatitig ako sa puntod na iyon ay  nagkwento ang matandang babae.

"Alam mo amang, namatay syang ang tawag sa kanya ng mga tao ay halimaw. Pero hindi, ang kanyang damdamin at puso, daig pa sa kagandahan ang pinakamagandang Dyosa na iyong kilala. Matagal ko na sya kilala. Matalik kaming magkaibigan, Maliliit pa lang kami, kami na ang laging magkasama. Umalis kami sa aming lugar dahil na din sa kahirapan. Naghanap kami ng trabaho sa bayan ng lugar na ito hanggang sa matanggap kami bilang kasambahay ng isang mayamang pamilya. Matagal kaming nagsilbi sa aming amo. Araw ng linggo noon, araw iyon ng aming pahinga bilang kasambahay ng pagpasyahan naming kami ay mamasyal at noong hapon ng paguwi nadatnan naming nasusunog ang bahay ng aming amo. Sa kabila ng malakas na apoy,  lakas loob syang sumugod sa loob ng bahay upang iligtas ang aming amo. Wala akong nagawa para sya ay pigilan. Wala na kong pag asa na may mabuhuhay pa sa sunog na iyon. Pero lumabas sya na dala ang isang bata, iyon ang anak ng aming amo. Walang pinsala ni isa sa bata pero ang aking kaibigan, sunog na sunog ang kalahating bahagi ng mukha. Iyon ang dahilan kung bakit sunog ang kanyang mukha, at tinatawag syang halimaw."


"Hindi sya nagiisa dito amang. Wala kaming ibang kilalang kamag-anak ng aming pinaglilingkuran.Kinupkop namin ang bata, at noon habang sya ay nagpapagaling ng kanyang mga sugat, ipinasya kong maghanap ng trabaho. Natanggap ako bilang isang kasambahay muli sa bayan na iyon. Matagal tagal din ako hindi nakauwi sa kanilang dalawa. Noong pag uwi ko, wala na ko nadatnan sa aming inuupahan. Napakadakila ng puso nya, isang sulat ang iniwan nya sa akin. Ayaw nyang maging pabigat sila sa akin noon, umalis sya kasama ng bata. Matagal ko syang hinanap, nangangamba ako para sa kanila dahil na din sa kanyang itsura, panigurado kasing pandidirihan sya ng ibang makakakita sa kanya. Dito pala sya nagtago sa liblib na lugar na ito."

Mahabang pananahimik ang sa amin ay namagitan, hindi ko namalayan na unti unting dumaloy ang luha sa aking mga mata.

"Alam mo amang, tinuring nyang parang tunay na anak ang bata. Pinag-aral nya hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Palagi nya itong pinuntahan sa eskwela pag oras ng uwian, sinusundan nya hangang sa paguwi upang masiguro lamang ang kaligtasan ng itinuturing na anak. Pero umalis ang batang iyon. Matagal nya din hinanap ang bata, walang araw na hindi nya naisip ito.Hangang kanya muling makita, natuwa sya sapagkat malaki na ang ipinagbago ng kanyang itinuring na anak. Isa ng mayaman at matagumpay sa buhay. Natutuwa rin sya sapagkat nakita nya ang kanyang apo. May pamilya na pala ang kanyang itinuring na anak. Bumalik sya dito sa gubat na masaya. Noong panahong iyon, natagpuan ko na din sya dito."

Lumuluha ang matanda habang nagkukwento sa akin. Para namang nagsisikip ang aking dibdib sa aking naririnig.

"Sinubukan ko syang pakiusapan upang sumama sa akin at ng sya ay maipagamot. Noong mga panahong iyon kasi, malala na din ang kanyang kalagayan dahil sa sakit. Pero mariin ang kanyang pagtanggi. Ayaw nyang lisanin ang lugar na ito sapagkat alam daw nyang magbabalik ang kanyang anak. Alam mo amang, sobrang mahal na mahal nya ang tinuring na anak. Kahit hindi nya ito kadugo, pagmamahal pa ng isang tunay na ina ang kanyang ipinakita. Sa kabila ng kanyang itsura, kahit na sya's ituring na halimaw ng marami, hindi sya sumuko mabuhay lamang ang anak. Namulot ng basura, inalipusta ng mga tao, lahat ng panganib kanya ng sinuong para lamang sa pagmamahal nya sa kanyang anak."

"At noon nga, noong nabalitaan nyang nandito ang kanyang anak, araw araw syang nagpupunpunta sa pagawaang iyon. Nakatanaw sa malayo, nakita ko sa kanya ang tunay na kasiyahan. Saksi ako sa pagmamahal na walang katulad, sa pagmamahal ng isang halimaw na tinatawag ng marami, na iniaalay ang sariling buhay para lang sa kaligtasan ng nakalimot nyang anak. Amang, sinasabi ko ang lahat ng ito upang kahit paano ay maging malinis ang kanyang pagkatao sa iyong isip at damdamin. Batid ko ang pagkamuhi mo sa iyong nakaraan. Linisin mo na ang iyong puso, matagal ka na nyang pinatawad amang.  "

Luhaan akong nakayuko matapos kong marinig lahat ng kwento tungkol sa aking Ina. Hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad sa kanya. Ako pala ang dahilan kung bakit sunog at mukha syang halimaw. Ako ang dahilan kung bakit nagtitiis sya sa dusa na ako pala ang may gawa.  At ako din ang dahilan ng kanyang pagpanaw. Ngayon ako naliwanagan, na walang ibang halimaw sa aming dalawa kundi ako. Ako na walang inisip kundi ang kamuhian sya. Ako ang halimaw na pumatay sa kanya.   Umalis ang matanda, Hinayaan nya kong mapagisa sa harap ng puntod na iyon. Sa puntod na aking ina, sa puntod ng  isang taong sa akin ay labis na nagmahal. Isang taong itinuring ko noon na halimaw,  halimaw na may busilak na puso at napakadakilang damdamin.