Paano Ba Tayo Makaliligtas sa Araw ng Paghuhukom?


Halos lahat ng mga relihiyon sa kasalukuyan ay naniniwala na may Araw ng Paghuhukom na kung tawagin nga ng iba ay katapusan ng mundo.  Madalas na din nating makita maging sa mga pelikula at sa iba pang entertainment media ang iba’t-ibang istorya tungkol sa kung paano magwawakas o magugunaw ang mundo.  Maging ang mga scientistay may mga sinasabi tungkol sa isyung ito, na madalas din nating mapanuod sa television. At ang pinakasikat ay tungkol sa hula diumano ni Nostradamus  na mangyayari daw na katapusan ng mundo sa Disyembre ng taong 2012 na nakita din natin na ginawaan pa nga ng isang pelikula.


Kamakailan lamang ay may isang grupo sa America na kung tawagin ay “Family Radio” ay nagpakalat ng Balita na ang mundo ay magwawakas nitong nakaraang ika- 21 ng Mayo.  Maraming tao ang labis na nabalisa at nangamba sa balitang ito, sa kasawiang palad ay nabigo ang grupo sa kanilang paghulang ito na gaya rin ng nangyari sa dalawang kilalang relihiyon na Sabadista at mga Saksi ni Jehovah na nagsipanghula rin tungkol sa pagbabalik ni Cristo na siya ring katapusan ng mundo, na hindi naman nagkatotoo.

 Marami ang natatakot at nangangamba, may mga nagsasabi namang iba na, “bahala na raw kung ano ang mangyari”, ang iba naman ay nagsasabing “nananakot lang iyang mga relihiyon na iyan, kung talagang mangyayari iyan eh di sana noon pa”, na ang mga ito ay ang mga hindi naniniwala na may paghuhukom.  Ang iba nama’y ipinagwawalang bahala ang bagay na ito, na ang mga ito naman ay yung mga tao na ang pinag-uukulan lang ng pansin ay kung papaano mabubuhay ng maayos sa mundong ito na ginugugol ang kanilang buong panahon sa paghahanap ng ikabubuhay. Ang iba naman ay nagsasabi:  “mainam kung matatapos na ang mundo, di wala na tayong problema, kasi patay na tayo, matatapos na ang lahat ng ating paghihirap”,  mga taong nag-aakala na ang paghuhukom ay basta paglipol lamang ng mga tao at iyon na ang wakas at wala nang kasunod.

Atin ngayong puntahan ang sinasabi ng Biblia tungkol sa isyung ito, ano ba ang Araw ng Paghuhukom?

Zefanias 1:14-15, 18  Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga'y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagimAng araw na yaon ay kaarawan ng kapootan, kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan, kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman,…Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” 



Ang Araw ng Paghuhukom ay ang dakilang araw ng kapootan ng Panginoon, na kung saan sa pamamagitan ng pagsupok o pagsunog ng apoy ay gugunawin ng Diyos ang buong sanglibutan .  Ang kapangyarihan ng isang tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa araw na iyon: ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim”.  Maging ang kaniyang kayamanan: Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon”.

Sinasabi ng iba na, “eh ang sabi diyan ay sa lupa magaganap ang pagsupok sa pamamagitan ng apoy, eh papaano kung ang tao ay gumawa ng tirahan sa labas ng mundo o di kaya ay sa buwan, eh di hindi siya mamamatay?” May mapupuntahan ba ang tao sa panahong ito na kung saan ay hindi sa mapupuksa? Ating tunghayan ang sabi ng Biblia:

Obadias 1:4  “Bagaman ikaw ay pailanglang sa itaas na parang aguilaat bagaman ang iyong pugad ay malagay sa gitna ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.”

Maliwanag na walang makatatakas sa araw na yaon, dahil sabi ng Diyos kahit na ang tao’y gumawa ng pugad o tirahan sa mga bituin, ay ibababa siya ng Diyos mula roon, kaya hindi siya makaliligtas.  Eh paano naman kung tangkain ng tao na humukay ng malalim at doon naman siya magtago?
Amos 9:2  “Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; at bagaman sila'y sumampa hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila.”

Ang salitang “sheol” ay salitang Hebreo na nangangahulugang “balon” o “dako ng mga patay”.  Ang ibig sabihin lamang nito ay hindi makapagtatago ang tao kahit na siya’y humukay pa ng napakalalim at doon siya gumawa ng tirahan niya. Maliwanag na maliwanag na walang magagawa ang tao para takasan ang magaganap na matinding kasakunaang ito na malapit nang dumating, dahil hindi lamang ang lupa ang masusunog kundi maging ang mga bagay na nasa langit:

2 Pedro 3:10,7  “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog…. Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”

Kitang-kita natin ngayon na hindi makatatakas ang mga tao saan man siya magtungo sa magaganap na pagpuksa ng Panginoon, na ito nga ay ang Araw ng Paghuhukom na siyang paglipol ng Diyos sa mga taong masama.

Magagawa ba ng tao na malaman kung kailan mangyayari ang Paghuhukom? Maaari pa ba siyang makapaghanda upang maiwasan ito?  Binanggit na sa mga talata sa itaas na:“darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw”, Ito’y mangyayari tulad ng pagdating ng magnanakaw na hindi nagpapaalam o nagsasabi na siya’y darating.  Samakatuwid walang makakaalam kung anong araw at anong oras ito mangyayari, at ito’y nilinaw sa atin ng Panginoong Jesus:

Mateo 24:36  “Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.”

Walang nakakaalam sa pagdating ng Paghuhukom, kahit ang Anak o ang ating Panginoong Jesu Cristo ay hindi alam kung kailan ito mangyayari.  Ang tanging nakakaalam ay ang AMA lamang ang nagiisa at tunay na Diyos (Juan 17:3,1).  Kaya huwag tayong maniwala doon sa mga taong nagbibigay ng eksaktong petsa gaya nung mga tagasunod ni Nostradamus, ng mga Sabadista, mga Saksi ni JehovahFamily Radio, at iba pa, dahil hindi po kailanman nila ito malalaman, dahil ang Diyos lamang po ang nakakaalam nito. At dahil sa hindi natin ito malalaman kung kailan mangyayari, ay hindi natin ito mapaghahandaan para ating maiwasan:

Mateo 24:37-39  “At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.”

Ipinaliwanag ng Panginoong Jesus na ang muli niyang pagparito ay katulad nung panahon ni Noe nang gunawin noon ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng malaking baha.  Sinabi niya na ang mga tao noon ay nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapagaasawa, nang dumating ang baha at nalunod ang lahat ng tao na hindi nakapasok sa daong.  Sa madaling salita darating ang Paghuhukom o ang muli niyang pagparito na ang mga tao ay gumagawa ng kaniyang normal na gawain.  Maliwanag kung gayon na walang makapaghahanda dahil walang makakaalam nito.

Eh papaano naman iyong nagsasabi na hindi naman mangyayari ang Paghuhukom at nananakot lang daw ang mga tao na naniniwala dito?  Ano ba ang kasiguruhan na mangyayari ang Paghuhukom?  Basahin natin ang sagot:

Hebreo 9:27  “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;”

Ang ebidensiya na mangyayari ang paghuhukom ay napakalinaw, dahil ang sabi ng Biblia aykung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;”  Walang tututol sa katotohanang ang tao ay namamatay, kung paanong tiyak ang pagdating ng kamatayan ng isang tao, ay tiyak din ang pagdating ng Paghuhukom, kaya po walang dahilan para hindi po natin ito paniwalaan.

Bukod sa rito’y nagbigay ang Panginoong Jesu Cristo ng mga palatandaan na talagang mangyayari ito, gaya ng ating mababasa:

Mateo 24:3 “At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?

Na ang mga palatandaang ito’y ang mga sumusunod:

Mateo 24:6-8  “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.  Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”

Binanggit ng Panginoong Jesus, ang mga Digmaang kakasangkutan ng mga bansa, at naganap nga ang Unang Digmaang Pandaigdig (1914 - 1918), na sinundan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939 - 1945). Nagkaroon ng pagkakagutom sa ilang mga bansa, at ang paglindol sa iba’t-ibang dako na hanggang sa kasulukuyan ay patuloy na nagaganap na kamakailan lamang ay naganap sa New Zealand, China, at sa Japan na lumikha pa ng malaking pagbaha o tsunami na kumitil ng napakaraming buhay. At ang patuloy na paglaganap at paglala ng kahirapan na kahit na ang malalakas na bansa gaya ng America at ilang mga bansa sa Europa ay nakakaranas na nito ngayon.  Kitang-kita na natin na natupad na ang mga ito.  At dahil sa ang mga palatandaan ay natupad na, ano ang ibinabadya nito?:

Mateo 24:33  “Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.”

Malinawag kung gayon na dahil sa naganap na ang mga palatandaan, dapat nating malaman na napakalapit na ng Paghuhukom. Maaaring mangyari ngayon, bukas, o sa isang araw, sa isang Linggo, walang nakakaalam.

Ito ngayon ang malaking tanong:  Paano tayo makaliligtas? Ang Biblia ba ay nagtuturo ng kaparaanan kung papaano tayo maliligtas? Ating ipagpapatuloy ang pagtalakay…


Ang mga Maliligtas sa Paghuhukom

Paano nga ba makaliligtas ang tao pagdating ng nakakatakot na araw na ito ng kapootan ng Panginoon.  Meron bang ipinakikilala ang Biblia na mga makaliligtas sa kapahamakang ito na napakalapit nang dumating?  Ating basahin ang sagot:

1 Tessalonica 4:16-17  “Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay KAY CRISTO ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.”

Ang makaliligtas sabi ng Biblia ay yung mga taong “kay Cristo” o pag-aari ni Cristo.  Sila ang mapalad na makaliligtas sa Paghuhukom, ang mga namatay na kay Cristo ay mga unang bubuhayin, at ang mga daratnang buhay ay hindi na makakaranas pa ng kamatayan kundi sila’y aagawin at isasama doon sa mga muling binuhay at iaakyat kapuwa sa alapaap kasama ng Panginoon at sila’y makakasama niya magpakailan kailanman.

Ang mga kay Cristo ay ang mga hindi madadamay o mamamatay sa pagpuksa ng apoy bunga ng Paghuhukom, dahil bago ito mangyari ay darating si Cristo upang kunin sila. Kaya napakahalaga na ating matiyak na tayo ay tunay na kay Cristo. Lahat ba ng tao ay kinikilala ni Cristong kaniya? Eh paano iyong mga nagsasabi na kumikilala at tumatawag naman daw sila kay Cristo kaya kay Cristo din sila?  Lahat ba ng tumatawag at kumikilala kay Cristo ay kaniya?

Mateo 7:21-23  “Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.  Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”

Kitang-kita ang ebidensiya na hindi ang bawa’t tao na kumikilala o tumatawag kay Cristo na Panginoon ang makapapasok sa langit.  Sa madaling salita hindi lahat ng tao na kumikilala at sumasampalataya sa kaniya ay maliligtas.  Sinabi niya na iyon lamang gumaganap ng kalooban ng kaniyang Ama na nasa langit.  At ipinakita din sa talata ang kasawiang sasapitin ng mga taong hindi kay Cristo, na kahit gumawa pa ng kung anu-anong mga dakila at makapangyarihang mga gawa ay balewala kay Cristo sapagkat hindi sila kinikilala ni Cristong kaniya.  Kaya napakahalaga na ating matiyak na tayo ay tunay na kay Cristo sapagkat ang mga kay Cristo lamang ang ililigtas niya pagdating ng araw ng Paghuhukom.


Ang mga Kay Cristo na ililigtas niya

 Sino ba ang kinikilala ni Cristo na kaniya?  Ating tunghayan ang malinaw na sagot ng Tagapagligtas:

Mateo 16:18  “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”

Ang kinikilala ni Cristong kaniya ay ang kaniyang Iglesia.  Samakatuwid ang dapat gawin ng tao ay ang sikapin na mapabilang sa Iglesiang kinikilala ni Cristong kaniya na ito nga ay angIglesia ni Cristo. 

Roma 16:16  “Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga IGLESIA NI CRISTO.”

Kaya nga hindi naman nagkulang ang Biblia ng pagtuturo kung papaano ang kaparaanan sa kaligtasan at ito’y nilinaw sa atin ng Panginoong Jesus mismo, narito ang dapat nating gawin para mapabilang sa mga taong kinikilala ni Cristo na kaniya:

Marcos 16:15  “At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

Napakaliwanag ng sagot ng Panginoong Jesus, kinakailangan na tayo ay mapangaralan ng evangelio o Biblia, kailangan nating sumampalataya sa mga aral nito, at mabautismuhan, at tayo ay maliligtas.

Maaaring sabihin ng iba: “Kaibigan ako ay inaralan na at nabautismuhan sa relihiyon kong kinabibilangan”

Bakit? Ang bautismo bang tinutukoy ay ang bautismo ng kahit na sinong relihiyon o Iglesia?  Ang sagot:  Hindi, dahil nilinaw din kung saan tayo dapat mabautismuhan?  Ating tunghayan ang sagot:

1 Corinto 12:12-13  “Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.  Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.”

Ang taong nagnanais na maligtas sa Araw ng Paghuhukom ay kinakailangang mabautismuhan sa isang katawan, na ang katawang tinutukoy ay ang katawan ni Cristokung saan kinakailangan na tayo ay maging sangkap o maging miembro nito. Alin ba iyong katawan ni Cristo na kung saan dito tayo dapat mabautismuhan? Basahin natin:

Colosas 1:18  “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.”

Ang katawan ni Cristo na tinutukoy ay ang IglesiaAng kaniyang katawan na siya rin ang ulo nito – ang Iglesia ni Cristo.  Dito sa Iglesiang ito na pinangunguluhan ni Cristo dapat mapabilang o maging kaanib ang tao upang siya’y magtamo ng kaligtasan.  Ito ang itinuturo na paraan ng Tagapagligtas upang tayo ay makaligtas sa nakatakdang kapahamakan na napakalapit nang dumating.

Dahil ang Iglesia ni Cristo ang ililigtas ni Cristo:

Efeso 5:23 “Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” [Magandang Balita, Biblia]

At ito ang pinaghandugan niya ng kaniyang buhay:

Efeso 5:25 “Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito,” [MB]

Ang sinomang nagnanais na makaligtas ay hindi niya kailanman maiiwasan ang pag-anib sa tunay na Iglesia sapagkat ito ang tanging kaparaanang itinuturo ni Cristo na ating Tagapagligtas.  Ang mapapabilang dito ay ang magtatamo ng kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom

No comments:

Post a Comment