Ang Mga Talatang Nagpapatunay na Diyos Daw si Cristo

Ang mga nagtataguyod ng paniniwalang si Cristo ay tunay na Diyos ay gumagamit din ngBiblia, upang patunayan na totoo ang kanilang aral tungkol dito.  Kaya naman hindi nakapagtataka na ang iba’y kanilang nahihikayat.  Subalit kung ating susuriin ang kanilang ginagamit na mga talata ay dalawa lamang ang kanilang kinauuwian, Una, nagkakamali sila ng pagkaunawa, at ikalawa ay maling salin o translation ng verse ang kanilang ginagamit. At iyan po ay ating patutunayan sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga talatang kanilang ginagamit na nagpapatunay daw na Diyos si Cristo. Umpisahan na natin:

JUAN 10:30

Ang isa sa kanilang paborito ay ang nasa Juan 10:30, basahin po natin:

    Juan 10:30  “Ako at ang Ama ay iisa.”

Matapos basahin ng mga naniniwalang Diyos si Cristo ang talatang ito ay kaagad nilang sasabihin ang ganito:

“Oh hindi ba maliwanag diyan na Diyos si Cristo? Dahil ang sabi niya siya at ang Ama ay iisa, tapos na ang usapan, Diyos si Cristo.”

Pero kung ating babasahing muli ang talata wala namang mababasa diyan na “Diyos si Cristo” o si “Cristo ay Diyos”.  Eh saan po galing iyon?  Sa pagkukungklusiyon o pagpapalagay.  Komo ba’t sinabi na si Cristo at ang Ama ay iisa, ibig sabihin ay Diyos na si Cristo? At kung ating tatanggapin ang argumento at kanilang pagkaunawa, hindi ba lalabas na si Cristo ang Ama dahil iisa sila? Naniniwala ba sila na si Cristo ang Ama? Tiyak na tiyak na hindi sila sasagot ng OO, dahil maliwanag maging sa kanila na si Cristo ay ANAK at hindi siya ang AMA. Nung namatay ba ang Anak, namatay din ba ang Ama? Kung sasabihin nilang OO, aba’y malaking problema iyan, dahil mauubliga sila na magpakita ng mga talata sa Biblia na nagsasabi na namatay ang Ama, kung sasagot naman sila ng HINDI, di mauubliga sila ngayong aminin at tanggapin na hindi nga sila iisa, dahil ang namatay lang ay ang Anak at hindi ang Ama.

Mahirap kasi iyong basta na lang nagkukungklusiyon, dapat kasi nagsusuri munang mabuti, bakit ba sinabi ni Cristo na: “Ako at ang Ama ay iisa”? Ang ibig bang sabihin ni Cristo diyan ay iisa sila ng Ama sa pagka-Diyos? Ganun ba iyon? Hayaan nating si Cristo ang magpaliwanag sa atin, narito ang pahayag niya, basahin lang natin sa bandang itaas:

      Juan 10:27  “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin:”
    
      Juan 10:28  “At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.”

      Juan 10:29  “Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.”

      Juan 10:30  “Ako at ang Ama ay iisa.”

Kahit na ulit-ulitin pa ang pagbasa mga kaibigan malinaw na hindi ang pagka-Diyos ang paksa na pinag-uusapan diyan kundi ang tungkol sa mga tupa ni Cristo, gaya nga ng sabi niya: “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig”.  Maliwanag na maliwanag na ang sinasabi ni Cristo diyan ay tungkol sa kaniyang mga tupa;  Ano raw ang hindi maaaring mangyari sa mga tupa niya? Sabi niya:   “kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay”, maliwanag niyang sinabi na hindi malilipol at maaagaw ang kaniyang mga tupa sa kaniyang kamay.  Eh sa Ama naman ano sabi niya?  “Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.” Tsaka niya sinabi na: “Ako at ang Ama ay iisa”…

Pinakamaganda pagtabihin natin:

Kay Cristo:  hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay

Sa Ama: “hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama”

Kita ninyo? Napakalinaw ng ebidensiya, na ang ibig lamang sabihin ni Cristo ay iisa sila ng Ama ng pamamaraan sa pangangalaga ng mga tupa Parehong hindi maaagaw ninoman ang mga tupa sa kanilang kamay. Iyon lamang iyon mga kaibigan, dahil kung ipipilit nila na si Cristo at ang Ama ay iisa as in single entity,  lalabas na pantay lang sila ng Ama.  Pantay nga ba sila ng Ama?  Basahin natin:

Juan 14:28  “Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama:sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.”

Magkapantay ba pag sinabi na iyong isa ay mas lalong Dakila? Maliwanag na sinabi ni Cristo na ang Ama ay lalong dakila kaysa kaniya.  Kaya napakamali ng kanilang naging kongklusiyon sa talatang ito.

May nagsasabi naman na sa talatang iyan ang pinatutunayan ni Cristo siya rin ang Ama.  Ito ay ang mas lalong napakamaling pakahulugan sa talata. Dahil kailanman ay hindi ipinakilala ni Cristo na siya ang Ama. Ganito ang pakilala niya sa kaniyang sarili: 

Mat 16:15-17  “Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay. At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.

Maliwanag na sinabi ni Cristo na mapalad ang kumikilala sa kaniya bilang Anak ng Diyos sapagkat ito ay sinabi ng Ama na nasa langit.  Kailan man ay hindi ipinakilala ni Cristo na siya ang Ama.

Kung sinabi sana sa talata ay ganito:  “Ako at ang Ama ay iisang Diyos” wala na sanang paguusuapan eh, kaso nga dahil sa ang sabi nga niya ay: “Ako at ang Ama ay iisa”, ay diyan natin kailangang matiyak kung ano ang ibig niyang sabihin, at atin ngang nalaman na ang ibig lamang sabihin ni Cristo ay iisa sila ng Ama sa pangangalaga ng mga tupa.

Ating pang patunayan na hindi komo sinabing "iisa" ay iisa talaga sa bilang o single body or entity, kumuha tayo ng kamukhang talata:

1 Corinto 3:8  Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni't ang bawa't isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.”

Oh hayan mga kaibigan maliwanag na sinabi diyan na “ang nagtatanim at nagdidilig ay iisa”,kung susundan natin ang kanilang argument at pagkaunawa lalabas niyan sa talatang iyan na iyong nagtatanim siya din yung nagdidilig hindi po ba?

Iisa nga lang ba iyong nagtatanim at nagdidilig? Basahin natin:

1 Corinto 3:6  “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni't ang Dios ang siyang nagpalago.”

Kita ninyo mga kaibigan, ang sabi ni Apostol Pablo siya ang nagtanim at si Apolos ang nagdilig, eh di maliwanag ngayon iyan na hindi komo sinabi na “iisa” yung dalawa ay “iisa” ang bilang. Diyan kasi sila nalilito eh.  Dahil napakalabo naman yatang isipin na si Apolos ay si Apostol Pablo din.   

Paano ba nagiging iisa ang dalawa o higit pa?  Sasagutin tayo ni Cristo:

Juan 17:22-23  “At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila;upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa; Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.”

Kita ninyo mga kaibigan sa talatang ito ay hinihiling niya na ang mga tupa o mga alagad niya ay maging iisa tulad nila ng Ama na iisa, na ano lamang ang ibig sabihin?  Sabi niya: “upang sila’y malubos sa pagkakaisa”.

Nagiging iisa ang dalawa o higit pa kapag silay nagkaisa. Ang ibig sabihin lamang nuon na si Cristo at ang Ama ay iisa ay Nagkakaisa sila ng Ama, na dapat gayahin at tularan ng kaniyang mga tupa. Maliwanag na nagkamali ng pagkaunawa ang mga gumagamit ng talatang ito.

JUAN 20:28

Narito pa ang isa sa kanilang pinagbabatayan, ating basahin

Juan 20:28  “Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Dios ko.”


Napakaliwanag daw na tinawag daw ni Tomas na Diyos si Cristo, sa talatang ito.  Kaya ating suriin ang nasabing talata.

Sa puntong iyan na nasabi ni Tomas na “Panginoon ko at Diyos ko”, ano ba ang tagpong iyan, siya ba’y nangangaral niyan?

Juan 20:19-20  “Nang kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.  At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon.”

Ito ang pangyayari sa muling pagkabuhay ni Cristo, nang muling magpakita si Jesus sa gitna ng mga alagad, kahit na ang pinto ay nakasara. Eh nandun ba si Tomas ng mga pagkakataong iyon?

Juan 20:24  “Nguni't si Tomas, isa sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay WALA SA KANILA NANG DUMATING SI JESUS.”

Absent si Tomas nang magpakita si Jesus sa mga alagad…kaya hindi niya nasaksihan ang pagpapakita niya ng kaniyang mga kamay at paa, bilang katunayan ng muli niyang pagkabuha.  Nang sabihin ng mga alagad sa kaniya ang tungkol sa pagpapakita ni Jesus sa kanila, naniwala ba si Tomas?

Juan 20:25  “Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Nguni't sinabi niya sa kanila, MALIBANG AKING MAKITA SA KANIYANG MGA KAMAY ANG BUTAS NG MGA PAKO, AT MAISUOT KO ANG AKING DALIRI SA BUTAS NG MGA PAKO, AT MAISUOT KO ANG AKING KAMAY SA KANIYANG TAGILIRAN, ay HINDI AKO SASAMPALATAYA.”

Mapapansin natin na hindi naniniwala si Tomas sa sinabi ng mga apostol na muling nabuhay ang Panginoong Jesus… nasa gitna siya ng pagdududa o pagaalinlangan

Eh nang makita na niya ang Panginoon, ano nangyari?

Juan 20:26  “At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.”

Juan 20:27  “Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, IDAITI MO RITO ANG IYONG DALIRI, AT TINGNAN MO ANG AKING MGA KAMAY; AT IDAITI MO RITO ANG IYONG KAMAY, AT ISUOT MO SIYA SA AKING TAGILIRAN: AT HUWAG KANG DI MAPANAMPALATAYAHIN, KUNDI MAPANAMPALATAYAHIN.”

Juan 20:28  “Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, PANGINOON KO AT DIOS KO!.”

Kitang-kita natin na ang naging reaksiyon ni Tomas  nang kaniyang makita ang Panginoong Jesus ay labis na pagkagulat o pagkabigla.  Kaya niya nasabi na “Panginoon ko at Diyos ko”.  Hindi po ba ganiyan din ang ating nagiging reaksiyon kapag nakakakita tayo ng mga nakakagulat at nakakabiglang bagay? Napapasigaw tayo ng “Panginoon ko!”  at kadalasan ay “Diyos ko!”


Kung ang sinabi ni Tomas ay “PANGINOONG DIOS KO”? Abay tapos na usapan, maliwanag ngang Diyos si Cristo.

Kaso ang sabi niya: 

“Panginoon ko at Diyos ko” 

NAPAKALIWANAG NA DALAWA ANG TINUTUKOY NI TOMAS.

May Isang PANGINOON AT May ISANG DIOS? Sino ang Panginoon at Sino ang Dios sa paniniwala ng mga Apostol?  Basahin natin:

1 Corinto 8:6  “Nguni't sa ganang atin ay MAY ISANG DIOS LAMANG, ANG AMA, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at ISA LAMANG PANGINOON, SI JESUCRISTO, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.


Napakaliwanag hindi po ba?  “MAY ISANG DIOS LAMANG, ANG AMA at ISA LAMANG PANGINOON, SI JESUCRISTO”

Kaya malinaw na DALAWA ANG TINUTUKOY ni Tomas, ang AMA at ang PANGINOONG JESUS.

Sabi naman ng iba?  


“Kay Cristo tumutukoy ang sinabi ni Tomas na ‘Dios ko’ kasi siya kaharap ng sabihin ni Tomas iyon eh.”

Tandaan po natin na bunga ng pagkabigla ni Tomas napasigaw siya ng “PANGINOON KO AT DIOS KO!”…NAGULAT SIYA NIYAN….PERO HINDI IBIG SABIHIN IYONG SALITANG “DIOS KO” ay kay Cristo din tumutukoy…dahil sa siya ang kaharap nang sabihin eh siya na iyong Dios na tinutukoy ni Tomas.

Halimbawa po ba biglang may lumitaw sa harapan natin na NAPAKALAKING ASO…sa sobrang pagkagulat natin napasigaw tayo ng “DIOS KO PO!” Ibig bang sabihin nun dun sa ASO natin pinapatungkol iyong sinabi natin na iyon, dahil iyong malaking aso ay nasa harapan natin?  Lalabas ngayon niyan na iyong malaking ASO ang Dios natin, kung susundan natin ang ganung pagkaunawa nung iba, hindi po ba?

No comments:

Post a Comment