Kung Bakit Nagkakaisa ang Iglesia Ni Cristo maging sa Pagboto


Hindi maiiwasang pagtakhan ng iba lalo ng mga hindi kaanib sa Iglesia, ang ginagawang pagkakaisa ng Iglesia ni Cristo sa tuwing sasapit ang halalan o panahon ng pagpili ng iuupong kandidato. Ang iba naman ay humahanga sa gawaing ito, at sila man sa kanilang samahan o relihiyon ay nagtatangkang gayahin ang pagkakaisang ito ng Iglesia.  Ang iba naman ay tumututol at nanunuligsa sa amin, at sinasabing ang ginagawang ito ng Iglesia ay labag sa kalayaan ng isang tao na mamili kung sino ang gusto niyang mamuno sa isang bansa, o sa isang pamayanan, ito raw ay maliwanag na pagsaklaw ng isang relihiyon sa personal na karapatan ng mga mamamayan. May nagsasabi naman na kaya daw iniuutos ng mga ministro sa Iglesia ang gawaing ito ay dahil sa nagpapalakas lang daw sa pamahalaan ang Iglesia.

Ano nga ba ang dahilan at ito’y isinasagawa?  Totoo nga kaya ang kanilang sinasabi na ang pagkakaisa na ginagawa ng Iglesia lalo na sa panahon ng halalan ay isang inimbento lamang na aral ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo? Atin pong tunghayan ang sagot…


1.        Sino ba ang may nais na magkaisa ang mga kaanib sa Iglesia?

SAGOT:  Ang Panginoong Jesu Cristo ang may nais at panukala na ang kaniyang mga tupa na siyang mga kaanib sa kaniyang Iglesia ay malubos sa pagkakaisa:

Juan 17:22-23  “At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa; Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.”

Hiniling ng Panginoong Jesu Cristo sa Ama sa kaniyang panalangin na ang kaniyang mga tupa ay “maging isa” na gaya nila ng Ama, na ang ibig sabihin: kung paanong nagkakaisa sila ng Ama dapat ganun din ang mga tupa niya - at ito’y magagawa lamang ng mga tupa kung sila ay “malubos sa pagkakaisa”.  Kapag sinabing “lubos” ang ibig sabihin ay 100% na pagkakaisa, ito ang nais na mangyari ni Jesus sa kaniyang mga tupa – sa mga kaanib ng kaniyang Iglesia.


2.        Ano ang dahilan kung bakit kinakailangang magkaisa ang mga kaanib?

SAGOT:  Ang Iglesia ay inihahambing sa “isang katawan” dahil sa ito ay katawan ni Cristo,  kaya dapat lamang na magkaisa ang mga sangkap o mga kaanib nito:

1 Corinto 12:12,27  “Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan,bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo ...Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.”

Ang tinutukoy na “sangkap” ay mga miyembro o “members” sabi nga sa Bibliang Ingles:

1 Corinthians 12:12,27  “For as the body is one, and hath many members, and all the members of that one body, being many, are one body: so also is Christ… Now ye are the body of Christ, and members in particular.”

Maliwanag na ang tinutukoy na sangkap ay ang mga “members”  o mga miyembro o kaanib ng nag-iisang katawan ni Cristo, na ang katawang ito ay ang Iglesia:

Colosas 1:18  “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ngiglesia;…”

Ang katawan ay ang Iglesia, at si Cristo ang ulo nito.  Kaya po napakalinaw ng dahilan kung bakit nais ni Cristo na magkaisa ang kaniyang Iglesia dahil sa ito ay inihalintulad sa isang “katawan” na pinamumunuan ng isang ulo.

Ang ating katawan ay kumikilos ayon sa iisang layunin at gawa.  Kapag naisipan natin halimbawa na kumain: mararamdaman ng ating sikmura na nangangailangan tayo ng pagkain, sasabihin sa atin ng ating isip na tayo ay nagugutom, titingin ang ating mga mata kung saan nandun ang pagkain. Pagkatapos, hahakbang ang ating mga paa papunta sa lamesa, gagalaw ang ating mga kamay para kumuha ng pagkain at susubuan ang ating bibig.  Wala pa tayong nakitang tao na ang isang paa ay papunta sa harapan ang isa naman ay humahakbang papunta sa likod, o di kaya ay pinipigilan ng kaliwang kamay ang kanang kamay para huwag maisubo ang pagkain sa bibig. Ang katawan ay isang napakatibay na halimbawa ng “pagkakaisa”, dahil kailan man hindi nagkokontrahan ang kilos ang ating katawan sa anomang bagay na ating nais gawin.

At dahil po sa isang katawan din inihambing ang Iglesia ni Cristo, ay nais din ni Jesus na ganito kumilos ang mga kaanib ng kaniyang Iglesia, tulad sa isang katawan na may lubos na pagkakaisa, sa pagkilos, at pag-iisip, at paggawa. Kaya po ang Iglesia ni Cristo ay nagkakaisa hindi lamang sa panahon ng pagboto kundi sa lahat ng panahon at pagkakataon.


3.        Eh bakit naman pati sa pagboto ay kailangan ding magkaisa, iniutos ba ng Biblia na maging sa pagboto ay dapat magkaisa ang Iglesia?

SAGOT:  Opo, iniutos din po at ating basahin ang sagot:

1 Corinto 1:9-10  “Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin. Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.”

Maliwanag po ang pahayag ng Biblia na ang mga kaanib sa Iglesia ay dapat na magkaisa:na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.” Hindi po ba napakalinaw na inuutusan ang Iglesia na dapat magkaisa sapagsasalita, sa pag-iisip, at maging sa paghatol?

Nagkakaisa ang Iglesia sa pagsasalita, kaya nga napapansin ng marami ang pagiging isa ng aming “aral”, kangino man kayo makinig na ministro, ang aral na kanilang itinuturo ay iisa lamang.  Nagkakaisa rin ang Iglesia sa pag-iisip, dahil hindi kami nagtataglay ng iba’t-ibang paniniwala. At bawal po sa Iglesia ang pagkakabahabahagi o pagkakampi-kampi. At higit po sa lahat inuutusan ang Iglesia na magkaisa sa paghatol o magkaroon ng isa lamang “paghatol”.  Paano po ba naisasagawa ng Iglesia ang pagkakaisa sa paghatol? 

Ano po ba ang ibig sabihin ng salitang “pagboto”? Sa isang English Dictionary, ganito ang ating mababasa:

“vote –  an expression of judgment”   [Webster’s New International Dictionary]

Sa Filipino:

“pagboto –  isang pagpapahayag ng paghatol”

Niliwanag po sa atin ng diksiyunaryo na ang ibig sabihin ng salitang “vote” o “pagboto”, aypagpapahayag ng paghatol.  Sa panahon po ng halalan ay hinahatulan natin ang mga kandidato kung sino sa kanila ang karapatdapat nating iupo sa puwesto, hindi ba’t madalas nating naririnig sa mga kandidato na sinasabi nila ang ganito: “Hatulan ninyo kami, kung sino sa amin ang karapatdapat”.  At sa pagsasagawa ng Iglesia ni Cristo ng pagkakaisa sa pagboto o iyong tinatawag sa Ingles na “block voting”, ay aming nasusunod ang utos ng Biblia na magkaroon ng “isa lamang paghatol”.

Isa lamang ang aming sinasabi, iniisip, at hinahatulan sa panahon ng halalan. Napakalinaw po sa amin ng aral na ito na aming sinusunod, kaya magaan na amin itong naisasagawa ay sapagkat batid namin na ito ay aral na nakasulat sa Biblia, ito po ang susi sa matagumpay na pagkakaisa ng Iglesia ni Cristo.


4.        Eh ano naman ba ang magiging problema kung hindi natin sundin ang itinuturo ng Biblia na magkaisa?

SAGOT:  Hindi na po magiging sa Diyos ang Iglesia kundi sa Diablo na.

Santiago 3:14-16   “Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.   Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa DIABLO. Sapagka't kung saan mayroong paninibugho atpagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.”

Sinasabi ng iba na bakit hindi na lang daw kami gumaya sa iba na sinusunod ang gusto nila sa panahon ng halalan? Bakit daw kailangan pa na magkaisa kami? Bakit hindi na lang daw kami magkaniya-kaniya sa pagpili?

Hindi ba’t ang pagkakaniya-kaniya ay kasing kahulugan ng pagkakabahabahagi, sa ibang salita ay pagkakampikampi?  Niliwanag po ni Apostol Santiago na ang gawang pagkakampikampi o hindi pagkakaisa ay “hindi karunungang mula sa itaas kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa DIABLO”. At ang gawaing ito ay gawang masama.  Kaya kung hindi po magkakaisa ang Iglesia ni Cristo, hindi na ito magiging sa Diyos, kundi ito ay magiging sa Diablo na.  Kaya nga po ang isa sa ikakikilala sa tunay na relihiyon o Iglesia ay kung ang mga kaanib ay may tunay na pagkakaisa. Kapag ang mga kaanib ng isang relihiyon ay nagkakampikampi o hindi nagkakaisa sa lahat ng bagay, ang relihiyong iyon ay hindi sa Diyos kundi sa Diablo.

Kaya nga po ang pagkakampikampi, pagkakabahabahagi o hindi pagkakaisa ay sa Diablo, ano ang sasapitin ng mga taong gumagawa ng ganito?

Galacia 5:19-21  “At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kahalayan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga PAGKAKAMPIKAMPI, mga PAGKAKA-BAHABAHAGI, mga hidwang pananam-palataya,  Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.”

Ang mga gumagawa ng pagkakampikampi at pagkakabahagi na mga taong sumisira sa pagkakaisa ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos, samakatuwid hindi sila maliligtas saAraw ng Paghuhukom, kundi sila’y parurusahan sa dagat-dagatang apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan (Apocalypsis 21:8).


5.        Eh paano naman ang karapatan ng isang tao na mamili ng kaniyang iboboto, hindi ba mahalagang masunod iyon?

SAGOT:  Kung ang karapatan ng isang tao ay sisira o lalabag sa kalooban ng Diyos ay hindi po natin dapat na sundin, dahil kung ating susundin ang sinasabi nilang ito, lalabas na sa tao na tayo susunod at hindi na sa Diyos, dapat ang lagi nating ipinagpapaunang masunod ay ang Diyos bago ang tao.

Mga Gawa 5:29  “Datapuwa't nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.”

Napakalinaw na sinabi ng mga Apostol na dapat na masunod muna ang Diyos bago ang mga tao, kaya nga kung ang karapatan ng isang tao ay sisira sa utos ng Diyos, gaya nga ng karapatan niya sa pagpapasiya na mamili ng kaniyang iboboto sa halalan, ang sabi ng mga Apostol ang Diyos muna ang dapat sundin, samakatuwid, uunahing sundin ang Diyos, bago ang sarili, at hindi dapat sirain ang pagkakaisang itinatag ng Diyos at ni Cristo sa kaniyangIglesia.


6.        Paano isinasagawa ang pagpili ng kandidato? Totoo ba ang kanilang sinasabi na yung namumuno lang sa Iglesia ang Namimili?

SAGOT:  Sa Pagpili ang sinusunod ng Iglesia ay ang maayos na paraan:

1 Corinto 14:40  “Datapuwa't gawin ninyong may karapatan at maykaayusan ang lahat ng mga bagay.”

May mga nakatalagang lupon o kinatawan ang Iglesia sa bawat sangay nito na siyang nagsusuri ng mga kandidatong ito sa bawat bayan, lalawigan, o sa isang bansa - pinag-aaralan ang kanilang personal na pagkatao, plataporma, at nagsasagawa ng pansariling pagsusurvey ang Iglesia gaya ng ginagawa ng ating pamahalaan [gaya ng COMELEC survey, SWS survey, etc], sa mga kaanib man o hindi. Ang pangunahing tinitiyak ng Iglesia ay masiguro ang kalayaang pangrelihiyon ng ating bansa, hindi ibinoboto ng Iglesia ang sinomang kandidato na hahadlang sa kalayaan nating makapagsagawa ng malaya ng ating relihiyon.

Ang mga pangalan na napili sa bawat sangay ay isinusumite sa Tanggapang Pangkalahatan ng Iglesia at iyon ay nilalagdaan ng Namamahala bilang pagpapatibay. Ang Namamahala rin ang pinal na nagpapasiya kung may kailangan pang baguhin, o  may palitang mga pangalan, dahil ang Tagapamahalang Pangkalahatan ang may kapangyarihan at karapatan na magpasiya sa Iglesia.

Katulad ng isang pangyayari noon sa Unang Iglesia:

Gawa 15:19-20  “Dahil dito'y ANG HATOL KO, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios; Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo.”

Ang sabi ni Apostol Santiago na siyang Tagapamahalang Pangkalahatan noon sa Iglesia: “ang hatol ko” hindi niya sinabing “ang hatol namin”,  maliwanag na maging noong unang Siglo ay iisa lamang ang pinal na nagpapasiya sa anomang usapin sa Iglesia, walang iba kundi ang Namamahala lamang.

At kung ano ang kaniyang maging pinal na pasiya ay iyon ang pinagkakaisahan ng lahat ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo na siya naming ibinoboto sa panahon ng halalan.

Kung sakali man na hindi nanalo ang aming napag-kaisahang kandidato ay wala na po kaming pananagutan doon, dahil hanggang sa pagkakaisa sa pagboto lamang ang aral na itinuro sa amin ng Diyos.


7.        Bakit? Hindi ba magagawa ng isang Iglesia ni Cristo na iboto pa din ang kaniyang gusto sa panahon ng halalan?  Hindi ba’t wala namang makakakita sa kaniya, kaya mailalagay niya sa balota kung sino ang gusto niya?

SAGOT:  Totoo po na magagawa pa din ng sinomang Iglesia ni Cristo na sundin ang kaniyang sarili sa panahon ng halalan, dahil wala naman pong sinomang tao ang makakaalam nun. Pero sa Diyos Ama wala pong maitatago, malalaman niya ang anomang lihim ng tao.

Marcos 4:22  “Sapagka't walang anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao'y upang mapasa liwanag.”

Ilihim man ng isang kaanib ang kaniyang ginawa ay hindi ito makaliligtas sa paningin ng Diyos na tunay na nag-utos ng pagkakaisa sa Iglesia, kaya nga kahit na sabihin pa ng iba na walang makakaalam nun, ay hindi sila makaliligtas sa hatol ng Diyos, narito ang halimbawa mula sa Biblia:

Mga Gawa 5:1-10  “Datapuwa't isang lalake na tinatawag na Ananias, na kasama ng kaniyang asawang si Safira, ay nagbili ng isang pag-aari,  At inilingid ang isang bahagi ng halaga, na nalalaman din ito ng kaniyang asawa, at dinala ang isang bahagi, at inilagay sa mga paanan ng mga apostol. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa? Nang yao'y nananatili pa, hindi baga yao'y nanatiling iyong sarili? at nang maipagbili na, hindi baga nasa iyo ring kapangyarihan? Ano't inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios. At nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito ay nahandusay at nalagot ang hininga: at sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nangakarinig nito. At nagsitindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing. At may tatlong oras ang nakaraan, nang ang kaniyang asawa, na di nalalaman ang nangyari, ay pumasok. At sinabi sa kaniya ni Pedro, Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayon ang lupa. At sinabi niya, Oo, sa gayon. Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bakit kayo'y nagkasundo upang tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? narito, nangasa pintuan ang mga paa ng mga nagsipaglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas. At pagdaka'y nahandusay sa paanan niya ang babae, at nalagot ang hininga: at nagsipasok ang mga kabinataan at nasumpungan siyang patay, at siya'y kanilang inilabas at inilibing siya sa siping ng kaniyang asawa.”

Noong Unang Siglo nagkaisa din ang Iglesia sa pangunguna ng mga Apostol, upang masolusyunan ang lumalalang kahirapan, napagkaisahan nilang lahat ng ari-arian ng mga kaanib ay kanilang ipagbibili at ang lahat ng mapagbibilhan ay ilalagay sa paanan ng mga Apostol, ang mga Apostol naman ang mangangasiwa ng paghahati-hati ng mapagbibilhan sa lahat ng mga kapatid. Ang mag-asawang Ananias at Safira ay nagbenta din ng lupa, ngunit binawasan nila ang kanilang pinagbilhan at ang natira lamang ang kanilang ibinigay sa paanan ng mga Apostol, wala ring nakakaalam sa ginawa nilang ito ngunit sila’y inihayag ng Espiritu ng Diyos at pinarusahan sila at namatay kaagad sa harapan mismo ng mga Apostol.

Alam ng sinomang kaanib sa Iglesia ni Cristo na sa lihim man at sa hayag ay alam ng Ama ang kaniyang ginagawa, kaya sa isang mananampalataya ay hindi kailan man niya tatangkain na labagin ang pagkakaisang itinuro ng Panginoong Jesus sa kaniyang Iglesia. Alam ng sinomang kaanib na ang mga lumalabag sa pagkakaisang ito, dito pa lang sa buhay na ito ay hinahatulan na ng Diyos, ang iba sa kanila ay bigla na lang pumapanaw o namamatay, hindi na sumasamba pagkatapos ng halalan, ang iba nama’y natitiwalag sa iba’t-ibang kadahilanan.

Hindi po papayag ang sinomang kaanib ng Iglesia ni Cristo na sumasampalataya na masira ang Pagkakaisang itinuro ng Panginoong Jesus sa kaniyang Iglesia, ito po ang isa sa aming katibayan ng pagiging tunay na relihiyon na hinding-hindi po namin kailan-man tatalikuran…

1 comment:

  1. ministro po ba kayo o manggagawa? bat ho kayo gumagamit kayo ng talata? na i ugnay nio na ba ito sa Pangangasiwa?

    ReplyDelete