Ang Orihinal Na Paniniwala kay Cristo ng mga Unang Cristiano


Ano nga ba ang paniniwala ng mga Unang Cristiano noong Unang Siglo kay Cristo – Diyos ba siya o Tao?


Hindi matanggap ng iba ang katotohanang itinuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao at hindi Diyos. Inaakala nilang ang paniniwala ng mga Cristiano noong unang siglo ay tunay na Diyos si Cristo na nagkatawang-tao at ang Iglesia ni Cristo ay nagtuturo ng aral na iba sa pinaniniwalaan ng mga unang Cristiano.  Ngunit kung susuriin lamang na mabuti ang Biblia at maging ang kasaysayan ay mauunawaan na ang itinuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao at hindi Diyos ay siyang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano.

Si George Eldon Ladd, isang iskolar na Protestante na sumulat ng “The Young Church” ay nagsasabing:

“…The early Christian concept of Jesus was that of a man who was mightily endowed by the Spirit of God.” [The Young Church, by George Eldon Ladd, page 48]

Sa Filipino:

“…Ang kaisipan ng mga unang Cristiano tungkol kay Jesus ay siya’y tao na binigyan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.”

Isa namang Paring Katoliko na si Ronald J. Wilkins ang nagpapatotoo rin na ang paniniwala ng mga unang Cristiano ay si Cristo ay tao:

“…The apostles and early Christians did not experience Jesus as a God in human disguise or as God pretending to be human (this is one reason that the early Church rejected fanciful and wildly imaginative accounts of Jesus’ life) They experience him as a human. He was so real in his life, so genuinely human in his spirit, and so convincing in his words that they believed in him. They felt that whatever human life really was, Jesus as a person expressed that life.” [The Emerging Church, by Rev Ronald J. Wilkins, page 29]

Sa Filipino:

“…Ang mga apostol at ang mga unang Cristiano’y hindi nakilala si Jesus bilang Diyos na nag-anyong tao o Diyos na nagkunwaring tao (ito ang dahilan kaya hindi tinanggap ng mga unang Cristiano ang hindi kapani-paniwala at puno ng imahinasyong paglalahad ng naging buhay ni Jesus). Nakilala nila Siya bilang tao. Siya’y totoong-totoo sa kaniyang buhay, tunay na tao sa kaniyang diwa, at totoong makapangyarihan sa kaniyang pananalita kaya’t sila’y sumampalataya sa kaniya. Nadama nila na kung anoman ang tunay na kahulugan ng buhay ng tao, ang gayong buhay ay nahayag kay Jesus bilang tao.”

Ang isang historian na si Bernhard Lohse ay nagpahayag din ng ganoong diwa:

“…As one Church historian, Bernhard Lohse, writes in Motive im Glauben (Motivation for Belief): ‘Arius reminds us that Jesus, as he described in the Gospels, was not a God who walked this earth, but truly a human being. Of course by his very humanity, Jesus proved his full community with God.” [The Jesus Establishment, page 175]

Sa Filipino:

“…Bilang isang historiyador ng Iglesia, isinulat ni Bernhard Lohse sa Motive im Glauben (Motibasyon para sa Pananampalataya): ‘Ipinaalala sa atin ni Arius na si Jesus, katulad ng inilarawan ng Evanghelio, ay hindi isang Diyos na nabuhay dito sa lupa, kundi isang tunay na tao. Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao, pinatunayan ni Jesus ang kaniyang lubos na pakikisama sa Diyos.”

Ang mga talang ito na siyang patunay ng kasaysayan ay nagpapakita ng orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano na si Cristo ay tunay na tao at hindi Diyos. Bakit natin tinatanggap na totoo ang mga pahayag na ito? Ano ba ang pagtuturo ng Biblia ukol sa paniniwala ng mga unang Cristiano sa likas na kalagayan ni Cristo?

Ayon kay Apostol Pablo, tao ang Panginoong Jesucristo:

“Sapagka’t may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” [1 Timoteo 2:5]

Ganito rin ang pagpapakilala ni Apostol Pedro:

“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga- Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibingay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t-mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan.” [Mga Gawa 2:22-23, Magandang Balita, Biblia]

Ayon naman kay Apostol Mateo:

“Ganito ang pagkapanganak kay Cristo. Si Maria ay nakatakdang pakasal kay Jose. Ngunit bago sila nagsama, nagdalang-tao si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” [Mateo 1:18. New Pilipino Version]

Maliwanag ang pahayag ni Apostol Mateo, ang sabi niya “nagdalang-tao” hindi niya sinabing “nagdalang-Diyos”. Maliwanag na “tao” ang dinala ni Maria sa kaniyang sinapupunan.

Subalit kung mayroon mang higit na nakakaalam ng tunay na likas na kalagayan ni Cristo, ito ay ang Panginoong Jesucristo mismo. Ang sabi niya:

“Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito’y hindi ginawa ni Abraham.” [Juan 8:40]

Ang ating Panginoong Jesucristo mismo ang nagsabi at nagpatunay na siya’y tao sa pagsasabing siya’y “taong nagsasay ng katotohanan” na narinig niya sa Diyos. Samakatuwid hindi siya ang Diyos. Eh sino ang Diyos na kinaringgan niya ng katotohanan? Basahin natin:

“Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.” [Juan 12:49]

Ang Diyos ay ang Ama na siyang nagutos kay Cristo ng mga bagay na kaniyang sasabihin, sa Ama na siyang nagiisang Diyos na tunay (Juan 17:1,3) nangaling ang mga katotohanang isinaysay ng taong si Cristo.

Malinaw sa mga talatang ating sinipi mula sa Biblia na si Cristo ay TAO. Iyan ang original na paniniwala ng mga unang Cristiano. Samakatuwid, sa pagtuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao, itinataguyod lamang nito ang paniniwala ng mga Cristiano sa panahon ng mga apostol.


Wala sa Orihinal na Paniniwala

Maaring igiit ng iba na ang mga unang Cristiano ay naniniwala ring si Cristo ay Diyos at hindi tao lamang. Itinuturo ng Iglesia ni Katolika na si Cristo raw ay isang persona na may dalawang kalikasan – na siya raw ay tao na, Diyos pa. Subalit, kahit ang mga mananaliksik ay nagpapatunay na si Cristo ay tao, at hindi itinuro o pinaniwalaang Diyos ng mga unang Cristiano:

“We read the Gospels and the book of Acts in the light of our understanding of the pre-existence and the incarnation of God the Son. However, the early Christians had no such concepts in their minds. They had no doctrine of the deity of Christ.” [The Young Church: Acts of the Apostles, page 48]

Sa Filipino:

“Binabasa natin ang mga Evanghelio at ang Aklat ng mga Gawa akay ng ating pagkaunawa sa pre-eksistensiya at pagkakatawang-tao ng Diyos Anak. Gayunman, walang anumang gayong kaisipan ang mga unang Cristiano. Wala silang doktrina ukol sa pagka-Diyos ni Cristo.”

Narito pa ang isang patotoo mula naman sa isa pang aklat Katoliko:

“Kaya’t hindi maaaring sabihin na tinatawag na Diyos si Jesus noong kaunaunahang araw ng kristiyanismo…” [Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano, page 32]

At eto pa ang isa:

“Jesus was not called God in those early days…” [New Testament Commentary, page 149]

Sa Filipino:

“Hindi tinawag na Diyos si Jesus noong mga panahong iyon…”

Ang totoo, tinanggap kapuwa ng mga teologong Katoliko at Protestante na hindi inisip ni Cristo na siya ay Diyos:

“The crisis grows out of a fact now freely admitted by both Protestant and Catholic theologians and exegetes: that as far as can be discerned from the available historical data, Jesus of Nazareth did not think he was divine.” [The First Coming: How the Kingdom of God became Christianity, page 5]

Sa Filipino:

“Ang krisis ay nabuo buhat sa katotohanang malaya na ngayong tinatanggap ng mga Protestante at Katolikong teologo at tagapagpaliwanag ng doktrina: na batay sa makakalap na pangkasaysayang impormasyon, na si Jesus na taga-Nazaret ay hindi inisip na siya’y Diyos.”

Maging ang isang opisyal ng Anglican Church [Church of England] ay may pag-amin na hindi kailanman inangkin ni Cristo na siya ay Diyos:

“Jesus never claims to be God, personally…” [Honest to God, page 73]

Sa Filipino:

“Hindi inangkin kailanman ni Cristo na siya’y Diyos…”

Kaya maging ang iba’t-ibang tagapangaral ng ibang relihiyon ay nagpapatunay na ang aral na si Cristo ay Diyos ay hindi aral ng mga unang Cristiano. Hindi ito ang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano tungkol kay Cristo.


Saan nagmula ang paniniwalang si Cristo ay Diyos?

Ang paniniwalang si Cristo ay Diyos ay utay-utay o unti-unting binalangkas ng Simbahang Katoliko sa paglipas ng mga taon. Ganito ang pahayag ng paring Jesuita na si Pedro Sevilla:

“Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus sa impluho ng ibang relihiyon.” [At Nagsalita Ang Diyos sa Pamamagitan ng Anak, sinulat ng Paring si Pedro Sevilla, page 181]

Nang lumaganap ang Katolisismo sa mga bansang pagano ay saka lamang bumangon ang kaisipang si Jesus ay Diyos:

“It was when Christianity spread out into Pagan world that the idea of Jesus as a Savior God emerged.” [The Meaning of the Dead Sea Scrolls, page 90]

Sa Filipino:

“Noong ang Cristianismo ay lumaganap sa daigdig ng Pagano, ay saka bumangon ang ideyang si Jesus ay Diyos na Tagapagligtas.”

Si Ignacio ng Antioquia ang pinakaunang nagpahayag na Diyos si Cristo pagkatapos ng mga manunulat ng Bagong Tipan [Sa madaling salita, tapos na ang Biblia]:

“The earliest post-New Testament writers, known as the Apostolic Fathers, continued the development that had emerged in the later New Testament period calling Jesus God. Ignatius of Antioch, writing in the second century to Ephesians, declares ‘Jesus Christ our God was conceived of Mary’ (Eph 18:2) and, ‘God was now appearing in human form’ (Eph 19:3).” [Word Become Flesh, pages 161-162]

Sa Filipino:

“Ipinagpatuloy ng pinakaunang mga manunulat pagkatapos ng panahon ng Bagong Tipan, kilala sa tawag na “Apostolic Fathers”, ang pagbuo ng paniniwala na umiral sa huling bahagi ng panahon ng Bagong Tipan na si Jesus ay Diyos. Sa kaniyang sulat sa mga taga-Efeso noong ikalawang siglo, ipinahayag ni Ignacio ng Antioquia na, “si Jesucristo ang ating Diyos ay ipinaglihi ni Maria” (Eph 18:2) at, “Diyos na nahahayag ngayon sa anyong tao” (Eph 19:3).”

Naging masalimuot ang aral na si Cristo ay Diyos at hindi naging pinal hanggang noon lamang ika-apat na siglo [Fourth Century]:

“…The doctrine that Jesus had been God in human form was not finalized until the fourth century. The development of Christian belief in the Incarnation was a gradual, complex process. Jesus himself certainly never claims to be God.” [A History of God: The 4000-Year Quest of Judaism, Christianity, and Islam, page 81]


Sa Filipino:

“…Ang aral na si Jesus ay Diyos na nasa anyong tao ay hindi naging pinal o ganap hanggang ika-apat na siglo. Ang pagbuo ng paniniwalang Cristiano sa Ingkarnasyon (Pagkakatawang-tao ng Diyos) ay isang mabagal at masalimuot na proseso. Si Jesus mismo ay hindi nagangkin na siya ay Diyos.”

Dahil sa masalimuot na suliranin ukol sa kalikasan ni Cristo, nakialam si Emperador Constantino at siya ay tumawag ng Konsilyo sa Nicea noong 325 A.D.:

“…Constantine began to interfere in [Catholic] Church matters. His predecessors had dominated the Roman religions; so Constantine was following a precedent by trying to run the Church. A year after he became sole ruler, Constantine called the bishops together in a council to discuss a problem that was dividing Christians and was especially troublesome in the East.” [The Catholic Church: Our Mission in History, page 99]

Sa Filipino:

“…Nagsimulang makialam si Constantino sa mga bagay na ukol sa Iglesia [Katolika]. Sinaklaw ng mga nangauna sa kaniya ang relihiyong Romano. Kaya ito’y sinundan ni Constantino sa pagtatangkang pangunahan ang Iglesia. Pagkalipas ng isang taon, siya ang naging iisang pinuno rito, ipinatawag ni Constantino ang mga Obispo sa isang konsilyo upang talakayin ang isang suliranin na nagbubunsod sa pagkakahati ng mga Cristiano at lalong nakapipinsala sa Silanganan.”

Sa Konsilyo ng Nicea ipinagutos ni Emperador Constantino na pagkaisahang ipahayag ng konsilyo na si Cristo ay Diyos:

“The Council could not agree and after two years, impatient at the delay, the Emperor Constantine appeared and addressed the assembly, ordering them to agree on the divinity of Christ…”[Challenge of a Liberal Faith, page 60]

Sa Filipino:

“Hindi magawa ng Konsilyo na magkaisa, kaya pagkaraan ng dalawang taon, dahil sa pagkainip, dumating si Emperador Constantino at nagsalita sa kapulungan, at sila’y inutusan na pagkaisahan ang pagiging Diyos ni Cristo…”

Sa katapus-tapusan, ang kagustuhan din ng Emperador na si Constantino ang nanaig:

“When Constantine picked out and convened the 318 bishops for the Council, the background was pure power politics, religious concerns taking very much of a backseat. Even the charismatic bishops can have been in no doubt about that, for not only did the Emperor preside over the Council, he also expressly proclaimed that his will was ecclesiastical law. The senior pastors accepted him as ‘Universal Bishop’ even though he is uncrowned, and let him take part in votes on church dogma as a secular prince.” [Miracles of Gods, page 57]

Sa Filipino:

“Ang pagpili ni Constantino sa 318 na mga Obispo at pagtipon sa kanila sa Konsilyo, ay nababalot ng kapangyarihang pulitikal, samantalang ang kapakanang pangrelihiyon ay hindi gaanong pinagukulan ng pansin. Kahit ang mga obispong karismatiko ay walang pag-aalinlangan tungkol dito, sapagkat hindi lamang ang Emperador ang nangasiwa sa Konsilyo, kundi siya rin ang tuwirang nagpahayag na ang kaniyang kautusan ay batas ng Iglesia. Ang mga nakatatandang pastor ay kinilala siyang ‘Pangkalahatang Obispo’ bagamat hindi siya pinutungan ng korona, at hinayaang siya’y makibahagi sa pagboto tungkol sa dogma ng simbahan bilang sekular na prinsipe…”


Kaya nga noong 325 A.D. sa Konsilyo ng Nicea napagtibay sa kauna-unahang pagkakataon na si Cristo ay Tunay na Diyos:

"Thus, for example, it was not until 325 A.D., at the Council of Nicaea, that the [Catholic] church defined for us that it was an article of faith that Jesus is truly God." [Discourses in the Apostles’ Creed, by Rev Clement H. Crock, page 206]

Sa Filipino:

“Gaya Halimbawa, na noon lamang 325 A.D., sa Konsilyo ng Nicea, na ipinaliwanag sa atin ng Iglesia [Katolika] na isang tuntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.”

At ang pagtanggi sa aral na si Cristo ay Diyos ay itinuring na isang krimen sa estado:

“Once this “Nicene Creed” had been publicly signed by all the bishops and promulgated by Constantine, it became the official creed for all Christians. To deny the divinity of Christ in any way was to put oneself outside the Christian community and was a crime against the state.” The Emerging Church: Part One, page 110 ]

Sa Filipino:

“Sa sandaling ang ‘Kredo ng Nicea’ ay hayagang nalagdaan ng lahat ng mga obispo at naipahayag ni Constantino, yaon ay naging opisyal na kredo para sa lahat ng mga Cristiano. Ang pagtatatuwa sa pagka-Diyos ni Cristo sa anumang kaparaanan ay katumbas ng kusang paghiwalay ng isang tao sa komunidad ng mga Cristiano at isang krimen laban sa estado.”

Sa mga katotohanang ating natunghayan, maliwanag na ang paniniwalang si Cristo ay tunay na Diyos ay hindi siyang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano. Utay-utay na binalangkas o binuo ang aral na ito noong nasa langit na si Cristo at matagal ng patay ang mga Apostol. Ang nagpatibay ng aral na si Cristo ay Diyos ay isang paganong [Hindi Cristiano] emperador, si Constantino. Ginawang isang batas ng estado [Pamahalaan ng Imperyo ng Roma] ang paniniwala sa aral na ito at ibinibilang na isang krimen laban sa estado ang pagtanggi rito. Hindi kataka-taka na ito’y lumaganap at ngayo’y tanggap na ng karamihan. Gayunman, ang aral na ito ay mali at labag sa pagtuturo ng Biblia kaya dapat nating itakuwil. Balikan natin ang katotohanang sinampalatayanan at itinaguyod ng mga unang Cristiano na si Cristo ay tao at hindi Diyos.

Nasa inyo ang Pagpapasiya….

No comments:

Post a Comment